Calendar
DS Puno kumikilos para buwagin, palitan ang NUP Dasma chapter
TINANGGAP ni Deputy Speaker Ronaldo Puno ng Antipolo City noong Biyernes ang hakbang ng Commission on Elections (Comelec) na magsagawa ng special election upang punan ang nabakanteng puwesto na iniwan ng yumaong Antipolo Rep. Romeo Acop, at iginiit na ang naturang halalan ay isang legal na mandato ng komisyon.
“Nakita ko ang mga komunikasyon tungkol diyan. Ang eleksiyon ay itinatakda nila sa Marso 14, at ang paghahain ng Certificates of Candidacy ay sa Pebrero 5 at 6,” pahayag ni Puno, na siya ring chairman ng National Unity Party (NUP), sa isang press conference.
Ibinunyag din ng lider ng Kamara na naghahanda ang kanilang partido ng isang malawakang reorganisasyon sa Cavite, kabilang ang pagbuwag sa Dasmariñas chapter ng National Unity Party (NUP) kasunod ng pag-alis ng pinuno nito, ang suspendidong si Rep. Francisco “Kiko” Barzaga.
“Maghahain ako ng panukala sa membership na buwagin namin ang Dasmariñas chapter ng NUP dahil ang chapter head noon ay ang kongresista. Sa amin kasi, karaniwan ang chapter head ay ang kongresista,” ani Puno.
Sinabi ni Puno na balak ng pamunuan na kumilos agad sa Dasmariñas, at ang pagbuwag sa chapter ay magsisilbing pansamantalang hakbang bago itatag ang isang bagong lokal na organisasyon.
“Umalis na sa partido ang kongresista. Kung baga, wala na itong lider, wala naman kaming natatanggap na mga ulat, at wala rin silang inirekomendang kapalit niya. Kaya idi-disolve muna namin ang NUP chapter sa Dasmariñas,” aniya.
“Maaaring magtatayo kami ng bagong chapter na iba na ang mga taong kabilang dito. Kaya kung matutuloy iyon, pagsapit ng Lunes ay matatanggal sa partido ang lahat ng miyembro ng NUP sa Dasmariñas,” dagdag pa niya.
Samantala, nilinaw ni Puno na bagama’t ipinaalam ng Comelec sa Kongreso ang planong special election, ang kahilingan para sa karagdagang pondo ay idinadaan sa Malacañang at hindi sa Kamara.
“Ang paghingi nila ng karagdagang pondo ay sa Office of the President, hindi sa Kongreso. Sumulat sila sa Kongreso para ipaalam lamang kung ano ang ginagawa nila. Ngunit ayon sa jurisprudence, wala nang karapatan ang Kongreso na magsabi pa ng kahit ano,” paliwanag niya.
“Obligado ang Comelec na gawin ito; mandato at tungkulin nila ito,” pagtatapos ni Puno.

