DOH

DOH inudyok na tiyaking madaling sundan guidelines para sa tulong medikal

102 Views

NANAWAGAN nitong Huwebes si Senador Risa Hontiveros sa Department of Health (DOH) na tiyaking malinaw at madaling sundan ang bagong administrative order na kanilang binubuo kaugnay ng medical assistance, alinsunod sa itinakda ng 2026 national budget.

Ayon kay Hontiveros, ang binabasang panuntunan sa Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Persons (MAIFIP) ay hindi lamang dapat magtanggal ng patronage politics kundi malinaw ding maglatag ng proseso at mga rekisito sa pagkuha ng tulong-pinansyal.

Sinabi ng senadora, na tagapangulo ng Senate Committee on Health and Demography, na layunin ng probisyon sa badyet na mapadali ang pag-access ng mga pasyente at kanilang pamilya sa tulong medikal, lalo na ang mga mahihirap at walang sapat na kakayahang pinansyal.

“Klaro ang naging desisyon namin sa Senado at House: Hindi na dapat mag-door-to-door pa sa mga opisina ng pulitiko para manlimos ng guarantee letters para lang makapagpagamot,” pahayag ni Hontiveros.

Dagdag pa niya, “Kaya inaasahan ko na klaro din sa DOH na ang bagong guidelines na ilalabas nila tungkol sa MAIFIP ay dapat magpadali sa pagkuha ng tulong at hindi lalong magpahirap sa mga pasyente at kanilang pamilya.”

Sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act, naglagay ang Kongreso ng mga probisyon na naglalayong limitahan ang paggamit ng guarantee letters ng mga halal na opisyal sa medical assistance, isang praktikang matagal nang inuugnay sa patronage politics. Kabilang dito ang tinaguriang anti-epal provision na naglalayong gawing direkta at sistematiko ang pagkuha ng tulong mula sa pamahalaan.

Binigyang-diin ni Hontiveros na ang mga repormang ito ay dapat ipagpatuloy kahit lampas sa kasalukuyang fiscal year at malinaw na maipaloob sa mga implementing rules at administrative issuances ng DOH.

Sinabi rin niya na handa na siyang simulan ang period of interpellations sa Senate Bill No. 1593 o ang panukalang Universal Health Care Medical Assistance Program na naglalayong magbigay ng direktang tulong-pinansyal sa mga ospital at pasyente, nang hindi dumaraan sa mga pulitiko.

“Kapag naipasa ang batas na ito, klaro na hindi na kailangan pang manghingi ang mga pasyente ng GL sa mga pulitiko. Mag-a-apply na lang sila sa mga medical social workers sa ospital at mabibigyan sila ng tulong sa loob ng 72 hours,” ayon kay Hontiveros.

Aniya, layunin ng panukala na tuldukan ang nakasanayang paghingi ng tulong sa mga opisina ng pulitiko at ilipat ang proseso ng aplikasyon sa loob mismo ng mga ospital.

“Tuldukan na natin ang panlilimos para sa GL. Ang tulong na kailangan ng ating mga kababayan para sa pagpapagamot ay dapat ibigay diretso sa kanila,” pahayag ni Hontiveros. “Lahat ng nangangailangan, dapat mabigyan ng tulong. Walang kapalit. Walang kondisyon. Walang palakasan.”