Lacson

Leadership by example pa rin susi para matiyak disiplina sa PNP, giit ni Lacson

88 Views

LEADERSHIP by example pa rin ang susi upang matiyak ang disiplina sa Philippine National Police (PNP), giit ni dating PNP chief at Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson nitong Miyerkules.

Ayon kay Lacson, kailangang may malinaw na moral authority ang PNP chief upang masabihan ang kanyang mga tauhan na huwag mangotong o masangkot sa mga gawaing kriminal.

“When I was Chief PNP, isa lang naman ang pinaka-baseline o pinaka-importante, leadership by example. Pag ang Chief PNP hindi tumatanggap, meron isang moral authority na sabihan ang kanyang mga tauhan kayong mangotong, huwag kayong gumawa ng crimes. So ganun lang ang sikreto,” ani Lacson sa Kapihan sa Senado forum.

Binigyang-diin niya ang pahayag kasunod ng mga kamakailang insidente na kinasangkutan ng mga pulis, kabilang ang isang kaso ng panggagahasa sa Cebu, pananaksak ng isang pulis sa kapwa niya pulis sa loob ng Camp Crame, at ang insidente sa Negros Oriental kung saan napatay ng isang pulis ang tatlo niyang kasamahang pulis at isang babaeng sibilyan sa isang restaurant-bar.

Noong siya ang namuno sa PNP mula 1999 hanggang 2001, sinabi ni Lacson na ipinatupad niya ang pamumunong nakabatay sa halimbawa at tinanggal ang mga tiwaling tauhan. Ayon sa kanya, ang ganitong hakbang ay nakaambag sa mas mataas na antas ng tiwala ng publiko sa pulisya noong panahong iyon.

Sinabi rin ni Lacson na nagtitiwala siya na makikipagtulungan ang acting PNP chief na si Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr. kay Interior Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla upang disiplinahin ang tinawag niyang ICU na mga pulis.

“P/Lt. Gen. Nartatez, alam niya ang style ko noon as CPNP and I hope he with the assistance of the DILG Secretary, pagtulungan talaga i-disiplinahin ang pulis,” ani Lacson.

Samantala, sinabi ni Lacson na balak niyang maghain ng panukalang batas upang palakasin ang kakayahan ng PNP na papanagutin ang mga tiwaling miyembro nito sa pamamagitan ng pagbibigay ng ganap na kalayaan sa Internal Affairs Service.

“Ang paghiwalay, and bibigyan ng more teeth, more power ang IAS, kasi ang IAS ngayon parang adjunct lang ng PNP na hindi truly independent,” ani Lacson.