Tacloban Source: Tacloban City Information Office

DVOREF nasa Top 5 law schools na may pinakamataas na passing rate sa 2025 Bar Exams

347 Views

KABILANG ang Dr. V. Orestes Romualdez Educational Foundation (DVOREF) College of Law sa Top 5 law schools sa bansa na may pinakamataas na passing percentage sa 2025 Bar Examinations, batay sa opisyal na datos na inilabas ng Korte Suprema ng Pilipinas.

Nakapagtala ang DVOREF ng 80.19 percent passing rate para sa mga first-time examinees mula sa mga paaralan na may higit sa 100 kandidato, at pumuwesto bilang ika-4 sa kabuuan — higit sa San Beda College of Law–Alabang at kasabay ng mga nangungunang institusyon gaya ng Ateneo de Manila University, University of the Philippines (UP) at University of Santo Tomas.

Sa 106 examinees mula sa DVOREF, 85 ang nakapasa, dahilan upang maging tanging law school sa probinsiya na nakapasok sa national Top 5 sa kategoryang ito — isang tagumpay na itinuturing na malaking hakbang para sa legal education sa rehiyon.

Pinamumunuan ang DVOREF College of Law ni Leyte Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez, isang abogado na nagtapos ng Bachelor of Laws mula sa UP College of Law.

Iniugnay ni Dean Romualdez ang mataas na performance sa Bar sa disiplinadong paghahanda, gabay ng mga guro, at kulturang akademiko na nakasentro sa etika at paglilingkod-bayan.

“This achievement shows that excellence in legal education is not confined to Metro Manila,” pahayag ni Romualdez.

“I thank our administrative staff, faculty members, students, and parents for standing with us every step of the way and for helping turn our shared goal into reality,” dagdag ni Romualdez.

Ang ulat ng Korte Suprema na “Performance of Law Schools” na inilabas ng Enero 7 ay sumasaklaw sa first-time Bar examinees sa buong bansa at nagsisilbing opisyal na batayan ng performance ng mga institusyon sa 2025 Bar Examinations.