Tansingco

E-travel ilalarga ng BI

131 Views

GAGAMITIN na ng Bureau of Immigration and e-Travel System simula Abril 15 upang mas maging madali at mabilis ang immigration procedure ng mga pupunta at galing sa Pilipinas.

Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco ang e-Travel System ay isang single data collection platform na gagamitin ng mga paparating at papaalis ng Pilipinas kung saan pinagsama-sama ang border control, health surveillance, at economic data analysis.

“Not only does this speed up immigration clearance, this initiative also ensures interoperability among border management agencies, and saves government resources,” ani Tansingco.

Ang bagong sistema ay inisyatiba ng sub-technical working group ng Inter-Agency Task Force (IATF), na pinamumunuan ng BI kasama ang Department of Information and Communications Technology (DICT), Department of Tourism (DOT), Bureau of Quarantine (BOQ), Bureau of Customs (BOC), Department of Health (DOH), Department of Transportation (DOTr), Department of Justice (DOJ), at National Privacy Commission (NPC).

Ang mga pasahero at crew ay maaaring sumagot ng e-Travel sa pamamagitan ng etravel.gov.ph sa loob ng 72 oras bago ang kanilang pagdating sa bansa.

Ang mga mabibigo ay maaaring magpatulong sa mga airline staff sa kanilang pagdating bago ang Bureau of Quarantine (BOQ).

Ang e-Travel ang magiging kapalit ng papel na departure card na gagamitin ng lahat ng Pilipino na lalabas ng bansa. Maaari rin itong gawin 72 oras bago ang pag-alis. Dapat ay nagawa na ito tatlong oras bago ang biyahe.

“The paper-based arrival and departure cards can only be used by passengers who are incapable of e-Travel registration and in the event that the e-Travel site is inaccessible,” ani Tansingco.

Iginiit naman ni Tansingco na libre ang pagrehistro sa e-Travel portal.