Calendar
Energy security lalakas, presyo ng koryente tatatag sa Malampaya East-1 discovery
IKINAGALAK ni Senator Pia Cayetano ang pagkakatuklas ng natural gas sa Malampaya East-1, na aniya’y makatutulong sa pagpapalakas ng energy security ng bansa at sa pagpapatatag ng presyo ng kuryente sa gitna ng pabagu-bagong pandaigdigang merkado ng fuel.
“This is great news for our energy security, as this discovery will contribute to price stability,” ani Cayetano, at binigyang-diin na ang pagpapalakas ng indigenous sources ng natural gas ay makababawas sa pag-asa ng bansa sa imported fuel.
Iniugnay ni Cayetano ang naturang discovery sa mga repormang isinulong upang mapaunlad ang lokal na natural gas industry. Ayon sa kanya, ang Philippine Natural Gas Industry Development Act ay nagbibigay ng malinaw na balangkas para sa pagpapalawak ng sektor, kabilang ang masusing downstream planning ng Department of Energy, paghikayat ng pamumuhunan, at pagbibigay-prayoridad sa lokal na natural gas.
Sinabi niya na ang pagpapalakas ng domestic supply ay mahalaga upang mapanatili ang maaasahang suplay ng kuryente at makatulong sa pagpigil sa pagtaas ng singil sa kuryente sa pangmatagalan.
Iginiit din ni Cayetano na ang tunay na sukatan ng mga proyekto sa enerhiya ay kung paano ito nararamdaman ng karaniwang mamamayan.
“Iyan naman ang pinakaimportante sa mga kababayan natin: affordable and reliable energy supply!” ani Cayetano.
Dagdag pa niya, mahalaga pa rin ang natural gas bilang transition fuel habang patuloy na tinutungo ng bansa ang mas malinis at mas napapanatiling energy mix. Aniya, ang pagpapaigting ng lokal na suplay ng enerhiya ay sumusuporta rin sa mga layunin ng bansa sa affordable and clean energy, climate action, at inclusive development.
“Energy security is not achieved overnight. It requires long-term planning, clear legislation, and responsible development of our own resources so that the benefits reach ordinary Filipinos,” ani Cayetano.
Dumating ang Malampaya East-1 discovery habang patuloy ang pagsisikap ng pamahalaan na makahanap ng karagdagang energy sources upang matugunan ang lumalaking demand at mapaghandaan ang unti-unting pagliit ng kasalukuyang gas fields.

