Calendar
Tingog Party-list Reps. Jude Acidre at Andrew Julian Romualdez
EVDA papabilisin pag-unlad ng Region 8
MULING naghain si Leyte Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez nitong Lunes ng panukalang batas para sa pagtatatag ng Eastern Visayas Development Authority (EVDA).
Layunin nitong pabilisin ang pagbangon at pangmatagalang pag-unlad ng Rehiyon VIII sa pamamagitan ng mas pinagsama-samang pagpaplano, mas matatag na pamamahala, at mas aktibong pakikipag-ugnayan sa pribadong sektor.
Ang panukalang EVDA, na itatatag sa Tacloban City, ang magsisilbing pangunahing ahensiyang mag-uugnay at magsasabay ng mga programa ng pambansa at lokal na pamahalaan sa mga lalawigan ng Leyte, Biliran, Southern Leyte, Northern Samar, Eastern Samar, Western Samar, at sa mga lungsod ng Ormoc at Tacloban.
“Ang kailangan ng Eastern Visayas ay isang institusyong nakatutok, may kapangyarihan, at may malinaw na direksyon para hilahin ang ating rehiyon mula sa kahirapan. Panahon na para magkaroon tayo ng ahensiyang nagsasalita para sa rehiyon at kumikilos para sa mamamayan,” ani Rep. Martin Romualdez, na nagsilbing Speaker ng ika-19 na Kongreso.
Mga may-akda ng panukala
Kasama sa mga co-author ng panukala sina Tingog Party-list Representatives Andrew Julian K. Romualdez at Jude A. Acidre.
Ayon sa panukala, ang EVDA ang bubuo ng pangmatagalang development master plan na magsisilbing blueprint para sa pamumuhunan, pagpapatayo ng imprastraktura, at pagpapatupad ng mga programang panlipunan at pang-ekonomiya sa rehiyon, upang matiyak ang kahandaan sa sakuna at mapababa ang antas ng kahirapan.
“Hindi puwedeng passive tayo sa Region VIII sa plano ng national government. Kailangan natin ng sariling game plan, na pinangungunahan ng mga boses ng ating mga alkalde, gobernador, negosyante, at mamamayan mismo,” dagdag ni Romualdez.
Sentral na papel ng EVDA sa post-Yolanda rehab
Gagampanan din ng EVDA ang pangunahing pamamahala sa mga natitirang pondo, kagamitan at ari-arian para sa rehabilitasyon matapos ang bagyong Yolanda, upang matiyak ang transparency at resulta ng mga proyektong rekonstruksiyon higit isang dekada matapos ang trahedya.
“With EVDA, we bring accountability closer to home. Hindi ito dagdag-bureaucracy, ito ay dagdag-lakas para sa rehiyon,” paliwanag ni Romualdez.
Saklaw ng kapangyarihan ng EVDA
Ang EVDA ay may kapangyarihang:
-Pagpasimula o pangasiwa ng mga proyektong pangkaunlaran sa enerhiya, agrikultura, utilities, manufacturing, at pangangasiwa ng likas na yaman;
-Pagrerekomenda ng pagtatatag ng special economic zones;
-Pag-eendorso ng permits para sa mga malalaking proyekto;
-Pakikipag-ugnayan sa mga foreign aid agencies at pribadong sektor.
Binigyang-diin ni Romualdez ang pangangailangang putulin ang “fragmentation” o pagkakawatak-watak ng mga programa sa rehiyon.
“Hindi na sikreto na ang ating rehiyon ay hirap sa koordinasyon, kulang sa ugnayan, at mabagal ang serbisyo. Kailangan natin ng iisang pamunuan na magbubuklod sa lahat—mula barangay hanggang sa NEDA board,” aniya.
Pamunuan ng EVDA
Ang pumunuan nito ay binubuo ng:
-Chairperson na may ranggong Undersecretary;
-Deputy Chairperson at Executive Director, na pawang residente ng Eastern Visayas;
-Board of Directors at Advisory Council na binubuo ng mga halal na opisyal at kinatawan ng iba’t ibang sektor.
Nakasaad din sa panukala ang pagtatatag ng integrated regional database upang suportahan ang planning at matutukan ang implementasyon ng mga pangunahing programa.
Bukod dito, magsasaliksik din ang EVDA ng panggagalingan ng pondo para sa mga prayoridad na proyekto at palalakasin ang mga public-private partnership.
“Sa ating mga kababayan sa Region VIII, ang panukalang batas na ito ay para sa inyo. Sapat na ang ating paghihintay. Panahon na upang itayo ang isang Eastern Visayas na hindi lang nakikita, kundi naririnig, pinaglilingkuran, at pinalalakas,” pagtatapos ni Rep. Romualdez.

