Calendar
Sa unang araw ng paghahain ng mga panukalang batas para sa ika-20 Kongreso, ilang mga miyembro ng House of Representatives at mga kawani ng Kongreso ang nagtungo sa South Wing Lobby ng Batasan Complex upang isumite ang kanilang mga mungkahing panukala sa Bills and Index Service ng Legislative Operations Department. Bukod kay reelected Leyte Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez, na nakatanggap na ng matibay na suporta mula sa kanyang mga kapwa mambabatas sa ika-20 Kongreso, isa pa sa mga unang naghain ng panukalang batas ay si Rep. Leandro Legarda Leviste ng Unang Distrito ng Batangas.
Allowance para sa bawat estudyanteng Pinoy isinulong ni Leviste sa 1st araw sa Kongreso
Sa unang araw ng kanyang panunungkulan noong Hunyo 30, 2025, naghain agad ng panukalang batas si Batangas 1st District Representative Leandro Legarda Leviste bilang isa sa mga unang hakbang ng ika-20 Kongreso.
Ang House Bill No. 27 ay naglalayong magbigay ng buwanang allowance na Php 1,000 sa bawat estudyanteng Pilipino — mula kindergarten hanggang kolehiyo — anuman ang kanilang estado sa buhay.
Layunin ng panukala na makatulong sa gastusin sa pagkain, pamasahe, at iba pang pang-edukasyong pangangailangan, hikayatin ang regular na pagpasok sa paaralan, at mapabuti ang academic performance ng mga estudyante. Gagamitin ang digital cash transfer upang matiyak ang mabilis at patas na distribusyon ng ayuda sa mga mag-aaral sa buong bansa. Iminumungkahi rin sa panukala ang paghahanap ng mga donasyon at alternatibong pinansyal na suporta para sa programa.
Ayon kay Leviste, bagaman may umiiral nang mga programa ng pamahalaan para sa piling mga estudyante, mas malawak ang benepisyong natatanggap ng mga mag-aaral sa ibang bansa tulad ng libreng pagkain, transportasyon, teknolohiya, at school supplies na pinopondohan ng gobyerno.
Bilang isang negosyante bago pumasok sa pulitika, iginiit ni Leviste na ang pagbibigay ng tulong pinansyal sa bawat estudyanteng Pilipino ay isang matalinong pamumuhunan.
“Bagaman may kaakibat itong malaking gastusin, nakabatay ang panukalang batas na ito sa mataas na balik ng pamumuhunan sa edukasyon ng susunod na henerasyon, sa pamamagitan ng isang programang direktang makikinabang ang mga estudyante ngayon na siyang magiging mga future taxpayers ng bansa,” pahayag ni Leviste.

