Calendar
Bagong Henerasyon (BH) Party-list Representative Robert Nazal
Nazal ipagpapatuloy serbisyo, adhikaing makamasa
SA kanyang unang araw bilang mambabatas, agad naghain si Bagong Henerasyon (BH) Party-list Representative Robert Nazal ng 10 prayoridad na panukalang batas na tumutugon sa mga kagyat na isyu tulad ng kalusugan, seguridad sa pagkain, suporta sa mga solo parent, proteksyon ng mga mamimili, reporma sa pamahalaan, at likas-kayang kaunlaran.
Nangako si Nazal na ipagpapatuloy ang legasiya ng dating BH Rep. Bernadette Herrera, habang dinadala ang bagong sigla sa adbokasiyang maka-tao ng partido sa ika-20 Kongreso.
“Bagong yugto ito para sa Bagong Henerasyon, pero hindi nagbabago ang aming paninindigan para sa inklusibo at makamasang batas. Narito ako upang ipagpatuloy ang sinimulan ni Rep. Bernadette Herrera—na may sigasig, malasakit, at malinaw na layunin para sa bawat Pilipino,” ani Nazal.
Ilan sa mga inihain niyang panukalang batas ay ang mga sumusunod:
Private Hospital Malasakit Centers Act: Layuning magtatag ng Malasakit Centers sa mga pribadong ospital upang mas mapadali ang pag-access ng mga pasyente sa tulong medikal.
Right to Adequate Food Framework Act of 2025Lumilikha ng k: omprehensibong legal na balangkas upang matiyak ang karapatan ng bawat Pilipino sa sapat at masustansyang pagkain.
Financial Assistance for Solo Parents Program (FASPP) Act: Nagtatakda ng buwanang tulong pinansyal sa mga solo parent sa ilalim ng DSWD.
Goodbye 5-6 Act of 2025: Tinututukan ang pagsugpo sa loan sharking sa pamamagitan ng pagtatakda ng interest rate cap, pagsugpo sa mapang-abusong paniningil, at pagpapalakas sa microlending ng mga bangko para sa maliliit na negosyante.
Gobyernong Walang Padrino Act: Isinusulong ang merit-based appointments sa gobyerno sa pamamagitan ng pagbabawal sa political patronage.
Philippine Future Skills Act: Nagpapasok ng pagsasanay sa artificial intelligence, coding, data science, climate adaptation, at green technologies sa lahat ng antas ng edukasyon.
Overseas Filipino Bank Act: Naglalaman ng rebisyong charter para sa bangkong nakatuon sa pangangailangang pinansyal ng mga OFW at kanilang pamilya.
Air Passengers Bill of Rights: Pinoprotektahan ang mga pasahero laban sa mapang-abusong airline practices at nagtatakda ng malinaw na karapatan para sa mga biyahero sa himpapawid.
Indigenous Barangay Empowerment Act of 2025: Nagtatatag ng mga indigenous barangay na kinikilala ang awtonomiya at kaunlaran ng mga Indigenous Cultural Communities at Indigenous Peoples (ICCs/IPs).
Department of Water, Irrigation, Sewage, and Sanitation Resource Management Act of 2025: Lumilikha ng iisang ahensya na mamamahala sa sektor ng tubig, irigasyon, dumi, at sanitasyon upang masiguro ang maayos at likas-kayang pamamahala ng yaman ng tubig sa bansa.
“Hindi tayo puwedeng maghintay ng pagbabago—kailangan natin itong ipanukala at ipatupad. Ang sampung batas na ito ay simula pa lang. Bilang inyong kinatawan sa Kongreso, titiyakin kong ang Bagong Henerasyon ay patuloy na magsusulong ng mga batas na makatao, makatwiran, at nagpapalakas sa bawat Pilipino,” ayon kay Nazal.
Dagdag pa niya, magiging pundasyon ng kanyang trabaho ang transparency, katarungan, at aktibong partisipasyon ng mamamayan.
“Ang adhikain ko ay simpleng makabuluhan—isang gobyernong walang palakasan, walang limutan, walang iwanan,” ani pa ni Rep. Nazal.

