Abante Manila 6th District Rep. Bienvenido Abante Jr.

Ex-DPPF warden iniugnay si DU30 sa pagpatay sa 3 Chinese drug lords

72 Views

MATAPOS bawiin ang kanyang naunang pahayag, iniugnay ng dating warden ng Davao Prison and Penal Farm (DPPF) si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pagpatay sa tatlong Chinese drug lords sa loob ng kulungan noong 2016.

Sa muling pagharap ni Supt. Gerardo Padilla sa pagdinig ng House Quad Committee ngayong Miyerkules, kinumpirma nito ang pakikipagusap ni dating Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) officer Royina Garma sa kanya kaugnay ng pagpatay kina Chu Kin Tung, Li Lan Yan at Wong Meng Pin.

Sa pagdinig, tinanong ni Manila 6th District Rep. Bienvenido Abante Jr. si Padilla kung ang pressure ay nanggaling lamang kay Garma o kung may mas mataas na tao pa na nasa likod nito kaya siya natakot.

Inamin ni Padilla na mayroong mas malaking tao na nasa likod ng mga utos ni Garma.

Noong una ay ayaw na direktahin ni Padilla na si Duterte diumano ang nasa likod ng pagpatay.

“Hindi ko naman ini-implicate pero hawak po sila ng mas mataas,” ayon kay Padilla.

Sa sunod-sunod na pagtatanong ni Abante, umamin si Padilla na si Duterte ang may hawak kay Garma.

“Ibig sabihin, hawak po si Chief Garma ng mas mataas. At ang mas mataas diyan ay ang dating Pangulo. Tama ho ba ako?” Tanong pa ni Abante, na muli namang tinugon ni Padilla ng, “Yes, your honor.”

Nauna rito, ikinanta ni Padilla si Garma na siyang nasa likod ng pagpatay sa tatlong Chinese drug lord noong 2016.

Sinabi ni Padilla na nakausap nito si Garma, na dating deputy chief ng CIDG sa Davao, kaugnay ng pagpatay kina Chu Kin Tung, alias Tony Lim; Li Lan Yan, alias Jackson Li; at Wong Meng Pin, alias Wang Ming Ping.

“During the Public Hearing of the House Quadcom held on Aug. 28, 2024, when asked if I had the conversation with then CIDG Garma, I denied it because I was under threat and I am concerned with my safety and that of my family who lives in Davao City,” ani Padilla sa nilagdaang dalawang pahinang affidavit na isinumite sa Quad Comm.

“In fact and in truth, I had a conversation of CIDG Chief Garma as mentioned above but I did not divulge at the time for security reasons,” dagdag pa niya.

Nauna ng sinabi ng mga persons deprived of liberty (PDL) na sina Leopoldo Tan Jr. at Fernando “Andy” Magdadaro na sangkot si Padilla sa pagpatay sa tatlong Chinese nationals na iniutos umano ni dating Pangulong Duterte.

“I am executing this affidavit to attest to the truth of the foregoing and to correct the testimony I gave during the Quadcom Public Hearing,” ani Padilla.

Saad niya na sa pagitan ng mga taong 2015 at 2016, noong siya ay nagsisilbing acting superintendent ng DPPF, tinawagan siya ni Garma sa pamamagitan ng cellphone ng inmate na si Jimmy Fortaleza, at sinabihan na huwag makikialam sa mga trabahong gagawin sa DPPF.

Si Garma noon ay opisyal ng CIDG sa Davao.

“Prior to such killings, I have been subjected to an intense pressure by then CIDG Officer Royina Garma who called me up through the cellphone of another inmate Jimmy Fortaleza,” ani Padilla.

“Chief Garma told me ‘may mga tao kami dyan na gagawa at huwag mo na kwestiyonin, and whether you like it or not we will operate and do not interfere, baka madamay pa pamilya mo.’ She added that ‘mag cooperate ka na lang or mananagot ka sa amin,’” pagpapatuloy niya.

“To my mind, the call from then CIDG Officer Garma was intense pressure and threat to me because I knew for a fact of the operation made against a certain drug lord in Leyte days before she called me,” saad pa niya.

Nangamba umano si Padilla sa kanyang kaligtasan kaya hindi nakialam kahit na natugunan na mayroong masamang balak sa tatlong Chinese drug lords.

“Because of the call of CIDG Garma, I became wary of my safety and I began to observe the personnel of DPPF who among them were the people referred to by CIDG Garma,” wika pa niya.

“Although I have not personally met CIDG Garma, I knew the one I talked with was Garma because inmate Jimmy Fortaleza told me Garma wants to talk to me and thereafter handed over to me his cellular phone,” dagdag pa niya.

Idinawit din ni Padilla ang isa pang opisyal ng piitan na gumagawa ng sarili niyang aksyon sa DPPF.

“Among the personnel I have strong inkling to consider as people referred to by Ms. Garma was then Deputy Superintendent for Security Operation Robert Quinto and inmate Jimmy Fortaleza,” paglalahad niya.

“Since the time of the call of CIDG chief Garma, I have since desisted from interfering with the security operations of the DPPF and allowed Deputy Quinto to make his own moves,” pagbabahagi pa niya.

“On the day of the killings, I was already in my quarters and no longer on duty. When I was informed of the incident, I immediately went to the crime scene and ordered medical team to bring the PDL to Davao Medical Center,” ani Padilla.

Matatandaan na ipina-contempt ng komite si Padilla noong Agosto 28 dahil sa pagsisinungaling sa isinagawang pagdinig ng Quad Comm na nagsisiyasat ukol sa mga POGO, bentahan ng ilegal na droga, EJK at iba pang isyu.

Ilan pa sa mga testigo sa Quad Comm ay idinawit si Garma sa pagpaplano at pagsubaybay sa pagpaslang sa loob ng DPPF. Inimbitahan na siya ng komite ngunit bigo pa ring humarap sa pagdinig.

“These are not isolated incidents but part of a broader pattern of abuse that we believe Garma had a direct hand in. The gravity of these allegations cannot be overstated,” nauna ng sinabi ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, ang lead chairperson ng Quad Comm.