Co Ako Bicol Party-list Rep. Elizaldy Co

Pamimigay ng panis na gatas, inaamag na nutribun maituturing na criminal negligence

63 Views

MAITUTURING na criminal negligence ang pamimigay ng panis na gatas at inaamag na nutribun sa mga estudyante, ayon sa mga miyembro ng Young Guns bloc sa Kamara de Representantes.

Ito umano ang maaaring harapin ng mga opisyal at dating opisyal ng Department of Education (DepEd) kaugnay ng ulat ng Commission on Audit sa ipinamigay na panis na gatas at inaamag na nutribun noong 2023 sa ilalim ng pamumuno ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kina Reps. Jefferson Khonghun of Zambales and Francisco Paolo Ortega V maging si VP Duterte ay may pananagutan sa nangyari kung ang prinsipyo ng command responsibility ang susundin.

Para kay Ako Bicol Party-list Rep. Elizaldy Co, chairman ng Appropriations committee, dapat panagutin ang mga nasa likod ng iregularidad na tinukoy ng COA sa implementasyon ng P5.7 bilyong school-based feeding program ng DepEd noong nakaraang taon.

“Kawawa yung mga bata sa ating public schools na intended beneficiaries. Sana di sila nakainom ng sirang gatas or nakakain ng bulok na tinapay, pero baka nagutom sila,” aniya.

Suportado rin ni Co ang panawagam ng mga kasamahan nito sa Kamara na magsagawa ng imbestigasyon upang maiwasang maulit ang insidente.

Ayon kay Ortega layon sana ng school-based feeding program na tulungan ang mga mag-aaral na makuha ang tamang nutrisyon lalo na habang nasa eskuwelahan.

“Eh kung sıra ang gatas at nutribun o tinapay na dineliver, anong kinain ng mga bata? Wala. Kung ako ang magulang ng mga apektadong bata, magagalit ako,” sabi ni Ortega.

Para naman kay Khonghun, ang kabiguang ng mga opisyal ng DepEd sa ilalim ni VP Duterte na maipatupad ng maayos ang isang magandang programa ay nawala ang pagkakataon ng mga bata na makakuha ng sapat na nutrisyon at matutunan ang kanilang aralin.

“Kapag gutom ka, kumakalam ang sikmura mo – maging bata o matanda – ay di ka makakapag-focus sa pag-aaral o sa anumang ginagawa mo,” ani Khonghun.

“That is why we say this is criminal neglect on the part of the implementers of the program, from the highest level at DepEd to the level of the school-recipient,” saad pa nina Ortega at Khonghun.

Mas mabigat pa anila ang pananagutan kung may batang nagkasakit dahil sa ipinamigay na panis na gatas o inaamag na nutribun.

“Sana, wala namang na-ospital są kanila,” wika nila.

“The suppliers are equally guilty and they, too, should be punished,” dagdag mg dalawang kongresista.

Ayon sa ulat ng COA, ang panis na gatas, inaamag o pinamamahayan ng insekto na mga nutribun ay nangyari sa 10 sa 17 rehiyon ng bansa.

“Karamihan nitong sampung rehiyon ay nasa Mindanao. Pinabayaan ni VP Sara Duterte ang mismong kababayan niya doon,” diin nila.