Hontiveros

Ex-LandBank manager kay Hontiveros: ‘1st time’ sa kanyang 32 taong serbisyo ₱125M cash withdrawal

24 Views

ANG ₱125-milyong cash withdrawal ng Office of the Vice President (OVP) ang kauna-unahang transaksyon na may ganoong kalaking halaga na naranasan ni Violeta Constantino sa kanyang 32 taong panunungkulan sa Land Bank of the Philippines (LandBank), ayon sa retiradong branch manager sa Senado na kumikilos bilang Impeachment Court noong Miyerkules.

Sa pagtatanong ni Senator-Judge Risa Hontiveros, sinabi ni Constantino na hindi pangkaraniwan ang naturang transaksyon hindi lamang dahil sa napakalaking halaga nito, kundi dahil ang buong halaga ay winithdraw bilang pisikal na salapi.

“Sabi n’yo nga kanina, unusual ‘yung amount. First time ay ganyang amount na 125 million pesos,” ani Hontiveros.

Ipinaliwanag ni Constantino na ang mga ahensiya ng pamahalaan at iba pang institutional clients ay karaniwang nagsasagawa ng mga disbursement sa pamamagitan ng pag-iisyu ng mga tseke sa halip na mag-withdraw ng ganoon kalaking halaga ng pisikal na salapi.

“Usually po kasi kaya naging unusual para sa akin kasi cash po siyang nakuha,” patotoo ni Constantino. “Sa other, ano naman po, kung baga nag-i-issue po sila ng mga cheque sa disbursement po nila. By checks po, hindi po cash.”

Binuod ni Hontiveros ang dalawang dahilan kung bakit hindi pangkaraniwan ang transaksyon: “So hindi lang ‘yung laki ng Pna P125 million ang unusual, unusual din na ‘yung ganyang unusual amount ay sa cash kinuha at hindi sa mga cheke.”

Pagkatapos ay tinanong ng senador kung sa anong halaga maituturing na hindi pangkaraniwan ang isang cash withdrawal para sa isang partikular na kliyente.

“Let’s say kung over, let’s say P500,000 na po siya,” sagot ni Constantino.

Binigyang-diin ni Hontiveros na ang ₱125-milyong withdrawal ng OVP ay hindi lamang lumampas sa halimbawang halagang iyon—ito ay 250 beses na mas malaki.

“E ito hindi lang P500,000, P125 million. So 250 times mas unusual sa minimum amount na sasabihing unusual kung kinuha in cash,” sabi ni Hontiveros.

Nilinaw ni Constantino na ang pagiging hindi pangkaraniwan ng isang transaksyon ay maaari ring nakadepende sa nakasanayang transaction history ng depositor. Ang isang malaking withdrawal ay maaaring ituring na normal kung regular na nagsasagawa ng ganoong kalaking transaksyon ang isang kliyente.

“Depende po rin sa kliyente po,” aniya.

Gayunman, kinilala ni Constantino na ang withdrawal ng OVP ang unang pagkakataon na nakaranas ang kanilang sangay ng cash transaction na ganoon kalaki.

“Pero kung parang for the first time ma-encounter namin that much, unusual po,” patotoo niya.

Binigyang-diin ni Hontiveros na sa mahigit tatlong dekada ni Constantino sa industriya ng pagbabangko, hindi pa siya nakaranas ng katulad na kalaking cash withdrawal.

“And this was your first time?” tanong ni Hontiveros. “And in your 32 years, hindi na three dekada, kung masasabi nating pambihirang amount ito in cash, masasabi nating once in a lifetime yung ganyang amount in cash.”

“Depende po. Pwede,” tugon ni Constantino.

Nagsagawa ang OVP ng apat na magkakahiwalay na withdrawal na tig-₱125 milyon sa pamamagitan ng dating Special Disbursing Officer Gina Acosta mula Disyembre 2022 hanggang Hulyo 2023. Sa mga transaksyong ito, ang kabuuang ₱500 milyong pondong nagmula sa Philippine Treasury para sa OVP ay na-convert sa pisikal na salapi.

Inamin ng depensa na ang apat na tseke ng LandBank ay tunay, nakapangalan kay Acosta, at siya mismo ang nagpa-encash sa mga ito sa kanyang kapasidad bilang OVP Special Disbursing Officer. Nagpatotoo rin si Constantino na personal niyang pinangasiwaan ang mga transaksyon sa LandBank Shaw Boulevard branch.