Magsino

Ex-partylist rep nanawagan ng govt action vs pamamaril sa mga paaralan

Mar Rodriguez Sep 19, 2026
190 Views

NANAWAGAN si dating OFW Partylist Rep. Marissa “Del Mar” Magsino ng pagkilos ng pamahalaan upang mapalakas ang proteksyon ng mga bata kasunod ng panibagong pamamaril sa Banga National High School sa South Cotabato.

Ipinahatid ng ex-congresswoman ang kanyang pakikiramay sa mga pamilya ng mga nasawi at nakaligtas sa pamamaril.

Hindi dapat maging lugar ng takot ang paaralan para sa mga bata. Sa halip, dapat itong maging ligtas para sa pag-aaral, pagkakaibigan, pag-asa at paghubog ng kanilang kinabukasan.

“Panahon na po na magkaisa ang lahat ng sangay ng pamahalaan upang pagtuunan ng pansin ang kaligtasan ng mga bata sa eskwelahan,” pahayag Magsino.

Iginiit niya ang pangangailangan para sa mas matibay na pananagutan ng mga online platform, epektibong suporta mula sa mga magulang at paaralan, mga proteksyong naaangkop sa edad ng mga bata at mga sistemang nakatuon na sa kaligtasan upang maiwasan ang mga panganib bago pa mangyari ang insidente.

Hinimok ni Magsino ang mga kongresista na aksyunan ang mga panukalang batas na magpapalakas sa proteksyon ng mga bata sa social media at iba pang digital platforms.

Kabilang sa mga dapat tutukan ang mapanganib na content, pagsasamantala sa mga menor de edad, mapanganib na online communities at iba pang banta sa kaligtasan at kapakanan ng mga kabataan.

“Our children deserve meaningful safeguards against harmful content, exploitation, dangerous online communities, and other risks that threaten their safety and well-being,”* ani Magsino.

Para sa dating OFW Partylist Lady solon, mahalagang magkaisa ang mga sangay ng pamahalaan, mga paaralan at mga pamilyang Pilipino upang matiyak na hindi na mauulit ang ganitong trahedya.