Calendar
Ex-police official may hawak ng ebidensya na nagpapatay si Duterte ng mga sangkot sa droga–Abante
ISINIWALAT ni Manila Rep. Bienvenido “Benny” M. Abante Jr. na dating opisyal ng Philippine National Police (PNP) ang umano’y may hawak na ebidensya na isang nakatataas na opisyal ng pulisya ang nag-utos sa kanya na pumatay ng mga hinihinalang sangkot sa droga noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Abante, personal nitong nakausap ang dating pulis ng bumisita siya sa New Zealand, kung saan naka base ang ex-policeman, ilang buwan na ang nakalilipas.
Ang dating pulis ay nag-AWOL at umano’y may dalang mga ebidensyang may kaugnayan sa mga utos ng kanyang commander.
“Meron siyang mga ebidensya. Ebidensya ito na gusto ng kanyang commander na pumatay siya, pumatay ng drug addict, pumatay ng drug pusher,” pahayag ni Abante.
Tumanggi umano ang dating pulis na isagawa ang mga naturang utos dahil sa kanyang paniniwala sa Bibliya.
Hindi sinabi ni Abante ang pangalan ng dating pulis, ang sinasabing commander o ang police unit na sangkot.
Lumabas ang pahayag ni Abante habang humaharap si dating Pangulong Duterte sa paglilitis sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng mga alegasyon ng crimes against humanity na may kinalaman sa mga pagpatay na nauugnay sa kanyang kampanya kontra droga.
Pinili umano ng dating pulis na umalis ng bansa sa halip na isagawa ang ipinag-uutos sa kanya o malagay sa panganib ang kanyang buhay.
Ayon sa kongresista, nais na lamang ng dating opisyal na mamuhay nang tahimik matapos umalis sa Pilipinas.
Ibinahagi rin ni Abante na sinabi umano ng dating pulis na mayroon pang ibang mga pulis na umalis dahil sa kaparehong sitwasyon.
Itinanggi naman ni dating Pangulong Duterte ang criminal responsibility sa mga extrajudicial killing, habang patuloy niyang ipinagtanggol ang kanyang kampanya kontra droga at inako ang political responsibility sa mga aksyong isinagawa kaugnay nito.

