Fajardo4 Atty. Ade Fajardo, spokesperson ni dating Speaker Ferdinand Martin Romualdez

Ex-Speaker Romualdez magpa-file ng supplemental counter-affidavit sa Ombudsman

Mar Rodriguez Aug 20, 2026
94 Views

INIHAYAG ng spokesperson ni dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na si Atty. Ade Fajardo na magsusumite sa Agosto 20 ang mambabatas ng supplemental counter-affidavit sa Office of the Ombudsman kalakip ang sinumpaang salaysay ng 25 iba pang dating driver at security aide ni dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co.

Isasama rin sa isusumiteng dokumento ang napaulat na pagbawi o pagbabago ng pahayag ni Orly Guteza, na dati umanong kabilang sa mga testigong nag-uugnay kay Romualdez sa mga alegasyon.

Sinabi ni Fajardo na ang 25 dating driver at security aide ay direktang sumasalungat sa mga naunang pahayag ng 18 “Maleta Boys” na iniharap ni Atty. Levito Baligod.

Sinabi pa ni Fajardo na ayon umano sa mga bagong testigo, walang naganap na anumang paghahatid ng pera sa mga pulitiko o opisyal ng pamahalaan kabilang si Romualdez.

Sa halip, sinabi nila na hinikayat silang sumali sa isang grupo ng mga testigo kapalit ng pera at mayroon nang mga affidavit na inihanda para sa kanilang lagda.

Ayon pa kay Fajardo, naglabas din ng sariling pahayag si Guteza at isinalaysay kung paano umano ipinilit sa kanya ang mga akusasyon upang tanggapin at pirmahan.

Tinukoy umano si Guteza bilang “missing link” na mag-uugnay kay Romualdez sa mga alegasyon.

“In all of this, one thing is common: may mga taong nag-udyok at namilit sa mga testigong ito para idawit si Rep. Romualdez sa kaso,” ani Fajardo.

Iginiit ni Fajardo na malinaw umano na walang sapat na ebidensiya laban kay Romualdez.

Matagal na umano nilang itinatanggi ang anumang pagkakasangkot ng dating Speaker sa mga paratang na inihain laban sa kanya.

“Walang kinalaman si Rep. Romualdez sa mga paratang sa kanya,” ani Fajardo.

Nananatiling kumpiyansa ang kampo ni Romualdez na sa isang patas na imbestigasyon ay mapatutunayan nilang walang sapat na batayan ang mga alegasyon laban sa mambabatas.

Ang mga pahayag na ito ay bahagi ng depensa ng kampo ni Romualdez at nananatiling usapin ng imbestigasyon at pagsusuri ng Ombudsman na siyang magtatasa sa mga isinumiteng salaysay at iba pang ebidensiya.