Calendar
Atty. Ade Fajardo, abogado at tagapagsalita ni dating Speaker Ferdinand Martin Romualdez
Kuha ni VER NOVENO
Pagtanggi ng mga aide ni Co nagpahina sa pahayag ng Maleta Boys
LALONG humina ang kredibilidad ng mga naunang salaysay ng mga tinaguriang “Maleta Boys” dahil sa paulit-ulit na pagbabago ng kanilang mga pahayag at sa tahasang pagtanggi ng mga tauhan ni dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co na umano’y isinangkot sa cash deliveries, ayon kay Atty. Ade Fajardo, abogado at tagapagsalita ni dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.
Sinabi ni Fajardo nitong Huwebes na ang mga pagbawi at pagkakasalungatan sa mga testimonya ay nagdulot ng duda kung maaasahan ang mga ito bilang ebidensiya.
“It’s no longer credible. Wala nang credible testimony,” ani Fajardo sa isang ambush interview.
Idinagdag pa niya: “Kung mga sampung beses ka na nag-somersault, e di ano pang credible doon? Hindi po ba? One way or the other?”
Tumugon ang abogado sa mga tanong hinggil sa mga affidavit ng 25 dating security, administrative at close-in aides na may kaugnayan kay Co. Ayon sa kampo ni Romualdez, ilalakip ang mga affidavit na ito sa supplemental counter-affidavit na isusumite sa Office of the Ombudsman.
Sinabi ni Fajardo na sa pamamagitan lamang ng mga ulat sa media at social media nila unang nalaman ang iniulat na pagbawi ng salaysay ni Orly Guteza, tulad din ng nalaman ng publiko.
Aniya, sinusubukan pa nilang makuha ang aktuwal na kopya ng dokumento at maaari nila itong isumite sa sandaling matanggap.
“Yes, it should be acceptable because, after all, this is a fluid investigation. Hindi pa naman terminated. We can always submit the actual copy,” ani Fajardo.
Nang tanungin kung bakit hindi na lamang isinalaysay ng 25 aide ang mga detalye ng umano’y paghahatid ng pera, sinabi ni Fajardo na ang kanilang posisyon ay walang naganap na ganoong mga transaksiyon at wala silang masasaksihang pangyayaring hindi naman umano nangyari.
“Precisely. Hindi sila actually involved kasi walang ganoong deliveries,” aniya.
“So how do you say something negative? How do you prove something negative? It’s not happening,” giit niya.
Ipinaliwanag ni Fajardo na mahalaga ang mga affidavit dahil ilan sa 25 ay pinangalanan umano sa mga naunang testimonya bilang mga drayber o kasama sa mga sinasabing deliveries. Ngayon, tahasan umanong itinatanggi ng mga ito ang nasabing mga pangyayari.
“Some of them were named as drivers’ companions. Pero sila mismo, dini-deny nila. So ano ngayon iyong credibility ng isang statement na kasama namin itong driver X and Y sa delivery when X and Y are actually saying na hindi nangyari iyon? So may correlation po iyong mga affidavit,” ani Fajardo.
Ayon pa sa abogado, ilan sa mga nagsumite ng affidavit ang nagsabing inalok umano sila ng pabuya kapalit ng pagsama sa orihinal na grupo ng mga saksi.
“Many of them, I think a substantial number, said that they were expressly, explicitly offered financial reward to join the quote-unquote ‘Brave,’” aniya.
Nang usisain kung sino ang umano’y nag-alok ng pera, sinabi ni Fajardo na makikita ang mga pangalan sa mga affidavit kapag pormal na itong naisumite.
Dagdag niya, ang 25 aide ay may sarili nilang abogado at nakapagsumite na rin ng mga liham sa National Bureau of Investigation, Department of Justice at sa Ombudsman. Nilinaw din niyang natanggap ng kampo ni Romualdez ang mga dokumento sa pamamagitan ng kanilang abogado at hindi sa pamamagitan ng direktang pakikipag-ugnayan o pangangalap sa mga affiant.
Patuloy namang itinanggi ni Romualdez ang alegasyong tumanggap siya ng pera mula kay Co o sa mga tauhan nito.

