KFC

Fast food sa Bulacan natangayan ng P140K

Bernard Galang Dec 20, 2025
208 Views

GUIGUINTO, BULACAN – Puwersahang pinasok ng mga magnanakaw ang isang fast-food restaurant sa Cagayan Valley Road, Barangay Sta. Rita, Guiguinto, Bulacan, at tinangay ang humigit-kumulang P140,000 na cash.

Ayon sa ulat na isinumite sa direktor ng Police Regional Office 3 na si Brig. Gen. Ponce Rogelio Penones Jr., sinabi ng pulisya ng Bulacan na ini-report ng branch manager ng KFC Cagayan Valley Road at residente ng Brgy. Borol 2nd, Balagtas, Bulacan, na puwersahang sinira ang pinto ng delivery booth para sa mga rider.

Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Guiguinto Police Station sa pamumuno ni PMaj. Ian T. Sanchez at nagsagawa ng imbestigasyon sa lugar, kabilang ang pagrepaso sa CCTV footage.

Batay sa kuha ng CCTV, makikita ang isa sa mga suspek na gumagamit ng bareta o crowbar upang sirain ang pinto ng delivery booth at pagkatapos ay wasakin ang sliding door upang makapasok sa kitchen area.

Sinabi ng pulisya na puwersahang binuksan ng suspek ang vault at kinuha ang sales money ng tindahan na tinatayang nasa P140,000 bago sumakay sa isang motorsiklo na minamaneho ng isa pang hindi pa nakikilalang lalaking kasabwat.

Inilarawan ang mga suspek bilang dalawang lalaki na nakasuot ng hoodie na may mahabang manggas, at ang isa ay may tattoo sa kanang pulso.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy at maaresto ang mga suspek.