Panday

FPJ Panday Party List naghain agad ng 10 panukalang batas sa Kamara

Mar Rodriguez Jul 3, 2025
383 Views

SA pagsisimula ng 20th Congress, nagpakitang-gilas agad si FPJ Panday-Bayanihan Party List Representative Brian Poe matapos nitong isulong sa Kamara ang sampung panukalang batas kung saan siya ang principal author nito.

Walang sinayang na sandali ang batang kongresista, anak ni dating Senador Grace Poe, kung saan sa unang araw pa lamang ng 20th Congress ay inihain na nito ang kaniyang sampung House Bill na siyang adbokasiya ng FPJ Panday Party List group.

Kabilang sa mga panukalang batas na isinulong ni Poe sa Kamara de Representantes ay ang People’s Freedom of Information Act (FOI) kung saan ipinapanukala nito na ma-institutionalize ang Executive Order on FOI bilang isang comprehensive law.

Sa ilalim ng panukala ni Poe, nilalayon nitong masaklaw ng FOI ang lahat ng sangay ng gobyerno sa pamamagitan ng pagpapalabas ng mandato na kailangang magkaroon ng “full disclosure” sa mga public transactions at pagpapataw naman ng penalty sa mga hindi tatalima sa inilabas na mandato.

Bukod dito, inilatag din ng baguhang mambabatas ang Freedom and Protection of Journalists Act (FPJ). Nilalayon naman nito na ma-decriminalize ang libel sa pamamagitan ng pag-repeal sa mga penal provisions at ang pagturing sa “defamation” bilang usaping sibil.

Gayunman, binigyang diin ni Poe na ang pangunahing konsentrasyon ng kaniyang FPJ Act ay mabigyan ng kaukulang proteksiyon ang mga mamamahayag laban sa anomang uri ng harassment at pagtatanggol sa press freedom o ang malayang pamamahayag.

Kabilang din sa kaniyang panukala ay ang pagtatatag ng Department of Water Resources Act. Kung saan, pagbibigay diin pa ni Poe na napapanahon na para magkaroon ng ahensiya ng pamahalaan na mangangasiwa sa supply ng tubig sa ating bansa.