Dy

Free textbooks, academic resources bill pasado na sa Kamara

Mar Rodriguez Aug 14, 2026
20 Views

INAPRUBAHAN ng Kamara de Representantes sa huling pagbasa noong Miyerkules sa botong 202 pabor, zero tutol at zero abstention ang panukalang batas na magbibigay ng libreng access sa digital textbooks at iba pang academic resources at libreng high-speed Wi-Fi sa mga pampubliko at pribadong higher education institutions.

Ayon kay House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III, layunin ng House Bill No. 9532 o “Universal Access to Digital Academic Learning Resources Act” na tugunan ang hindi pantay na access ng mga estudyante sa learning materials at maaasahang internet connection.

Naipasa ang panukala noong Miyerkules sa botong 202 pabor, zero tutol at zero abstention.

“Hindi na puwedeng ang kalidad ng pag-aaral ng isang estudyante ay nakadepende sa kung kaya niyang bumili ng mamahaling libro o kung may sapat siyang pera para sa internet,” wika ni Speaker Dy.

Sa ilalim ng HB 9532, itatatag ang National Academic Content Repository (NACR) sa ilalim ng Commission on Higher Education (CHED), katuwang ang Department of Information and Communications Technology (DICT) at mga higher education institution.

Magbibigay ito ng libreng online access sa mga estudyante at guro sa buong bansa.

Inaatasan din ng panukala ang pagkakaroon ng libreng high-speed Wi-Fi sa buong campus para sa mga enrolled students at faculty ng pampubliko at pribadong higher education institutions.

Bibigyang-prayoridad sa unang yugto ng implementasyon ang mga **rural at kulang sa resources na campus**. Dapat ding maging ligtas ang internet service at suportahan ang access sa NACR at iba pang academic services.

Ayon kay Speaker Dy, makatutulong ang panukala hindi lamang sa mga estudyante kundi maging sa mga guro at paaralan.

“When a student in a rural campus can access the same quality academic materials available to a student in a major university, we begin to close the gap,” ani Dy.