Calendar
Walang Gutom program gawing permanente — Pangilinan
NAGHAIN si Sen. Francis “Kiko” Pangilinan ng panukalang batas na gawing permanente ang Walang Gutom Program at magtakda ng tuloy-tuloy na sistema ng food assistance para sa mga pamilyang kapos sa pagkain.
Inihain niya ang Senate Bill No. 2379, o “Walang Gutom Act of 2026,” upang bigyan ng legal na batayan ang programa na sa kasalukuyan ay nakasalalay sa mga executive at administrative issuance.
Sa ilalim ng panukala, bibigyan ng targeted food assistance ang mga pamilyang nangangailangan habang iuugnay ang programa sa mga lokal na magsasaka at mangingisda bilang mapagkukunan ng pagkain.
Inaatasan din ng panukala na iugnay ang Walang Gutom Program sa mga programa ng Department of Agriculture, kabilang ang Kadiwa outlets at food-for-school programs, at kumuha ng pagkain nang direkta mula sa mga lokal na magsasaka at mangingisda.
Layunin ng pagsasabatas ng programa na hindi lamang umasa sa pansamantala o panandaliang tulong ang mga pamilyang kulang sa pagkain.
“Hindi dapat paiba-iba ang tulong depende sa programa o sa kung sino ang nakaupo. Kailangan natin ng isang matatag at tuloy-tuloy na sistema para matiyak na may pagkain ang bawat pamilyang nangangailangan,” sinabi ni Pangilinan.
Ayon sa senador, dapat tugunan ang kagutuman bilang pambansang usapin at hindi lamang problema ng bawat tahanan.
Mmaaari ring makatulong ang sistema sa mga magsasaka at mangingisda na pagmumulan ng pagkain para sa programa.
Nauna nang inakda ni Pangilinan ang Sagip Saka Act noong 2019 na nagpapahintulot sa mga ahensya ng pambansang pamahalaan at local government units na direktang bumili ng pagkain mula sa mga accredited farmers’ at fisherfolk cooperatives ng hindi dumaraan sa public bidding.
Sa ilalim ng SB 2379, kukunin muna ang pondo mula sa appropriations ng Department of Agriculture, Department of Education at Department of the Interior and Local Government.

