Gatchalian

Gatchalian: Mahigit 5M estudyante nakinabang sa libreng kolehiyo ng gobyerno

103 Views

MAHIGIT limang milyong estudyante na ang nakinabang sa libreng kolehiyo at tertiary subsidy programs ng pamahalaan mula nang ipatupad ang Free Higher Education Law noong 2018, sinabi ni Senate President Win Gatchalian.

Tinataya ng tanggapan ni Gatchalian na umabot sa 5.476 milyon ang kabuuang bilang ng mga benepisyaryo mula 2018 hanggang Academic Year 2025–2026.

Kabilang dito ang 4.070 milyong benepisyaryo ng Free Higher Education Program at 1.406 milyong tumanggap ng Tertiary Education Subsidy.

Sakop ang dalawang programa ng Republic Act No. 10931 o Universal Access to Quality Tertiary Education Act.

Pinagtibay na ng Senado at House of Representatives ang bicameral conference committee report sa mga panukalang amyenda sa batas. Handa na ang report para sa enrollment.

Sinabi ni Gatchalian na sinusuportahan ng 2026 national budget ang mga hakbang ng state universities and colleges para madagdagan ang bilang ng mga estudyanteng kaya nilang tanggapin.

Nauna niyang binanggit na hindi bababa sa 168,493 kuwalipikadong estudyante ang hindi natanggap.

Noong chairman siya ng Senate Committee on Finance, dinagdagan ng Senado ng P6.3 bilyon ang pondo ng mga state university at college.

Ayon sa kanyang tanggapan, P5.2 bilyon sa naturang halaga ang hiniling upang tugunan ang limitadong enrollment capacity ng mga paaralan.

“Makakaasa po ang ating mga SUCs na patuloy natin silang susuportahan upang maabot pa natin ang mas maraming mag-aaral at makapaghatid tayo ng dekalidad na edukasyon,” sinabi ni Gatchalian.