Gatchalian: ‘Process of elimination’ maaaring mag-rule out sa firms bilang source ng paglaki ng net worth ni VP Sara

256 Views

GINAMIT ni Senate President Sherwin Gatchalian nitong Martes ang tinawag niyang “process of elimination” upang kuwestiyunin kung maaaring manggaling sa mga korporasyong iniugnay kina Vice President Sara Duterte at Atty. Manases Carpio ang paglaki ng net worth ng Bise Presidente.

Sa interjection habang tumestigo si Securities and Exchange Commission Company Registration and Monitoring Department Director Gerardo Fernando Del Rosario, tinanong ni Gatchalian kung tama bang walang nakitang impormasyon sa corporate records na nagpapakitang nagdeklara ng dividends ang mga kumpanyang nasa summary.

“Tama po, wala pong impormasyon kung nagdeklara sila ng dividendo,” sagot ni Del Rosario, ayon sa draft transcript mula sa Office of the Senate President.

Dahil dito, sinabi ni Gatchalian na nais niyang itapat ang SEC records sa Statements of Assets, Liabilities and Net Worth ni Duterte.

“Kung babangga po namin ito sa SALN, hindi po puwedeng manggaling sa mga corporations niya yung paglaki ng kanyang net worth. Tama po ba? Dahil kung by process of elimination, titignan natin yung mga corporations, pwede na natin i-rule out yung corporations,” ani Gatchalian.

Nilimitahan ni Del Rosario ang kanyang sagot sa corporate records na kanyang sinuri.

“Kung ayon po rito at wala po siyang natanggap na benepisyo, yung dividendo, hindi ko po alam kung mayroon po siyang may didiklarang kinita out of this company,” aniya.

“Correct. Pwede sa ibang source, hindi lang dito sa corporations,” sagot ni Gatchalian.

“Tama po,” ani Del Rosario.

Mahalaga ang qualification dahil hindi nangangahulugan ang kawalan ng dividend declaration na walang kinita ang isang korporasyon. Maaari nitong panatilihin ang earnings sa kumpanya sa halip na ipamahagi bilang dividends sa shareholders.

Sa SEC presentation, 10 sa 18 korporasyong tinukoy ng prosecution ang may records na walang declared dividends, habang walang available dividend information sa iba.

Tiningnan din ni Gatchalian ang financial performance ng mga kumpanya.

Ayon sa kanyang pagbasa sa summary, maliban sa Gencorp Industries Inc., Davao Emerging Taipans Corp., SGT Fortune Horse Corp. at Mati City Ice Plant, halos lahat ng corporations na kanyang sinuri ay nalugi.

“Tama po,” sagot ni Del Rosario.

Ngunit itinuro ni Gatchalian na hindi shareholder of record si Duterte sa Gencorp.

“Tama po, sa Gencorp,” sagot ni Del Rosario.

Nauna nang sinabi ng SEC witness na hindi lumilitaw si Duterte bilang incorporator, director o shareholder sa Gencorp records kahit idineklara niya ang kumpanya bilang business interest sa kanyang 2023, 2024 at 2025 SALNs.

Ang JTC Group of Companies Philippines Inc. ang may 55 porsiyentong equity sa Gencorp. Nagbigay si Del Rosario ng hypothetical scenario na maaaring magkaroon ng indirect interest sa Gencorp sa pamamagitan ng JTC kung may taong kumokontrol sa JTC, ngunit hindi niya pinatunayang si Duterte ang may-ari o kumokontrol dito.

Binalikan ni Gatchalian ang iba pang corporations at sinabi niyang Mati Ice Plant, Davao Emerging Taipans at SGT Fortune Horse lamang sa mga may connection kina Duterte at Carpio ang lumilitaw na kumita sa summary.

Kinumpirma ni Del Rosario ang kanyang pagbasa.

Tinanong din ni Gatchalian kung makapagdedeklara ng dividends ang mga kumpanyang may deficit sa retained earnings.

“Yung pong mga deficit ang retained earnings po, hindi po makakapag-deklara ng dividendo,” sagot ni Del Rosario.

Sa ilalim ng Revised Corporation Code, maaaring magdeklara ng dividends mula sa unrestricted retained earnings.

Lumipat din ang pagtatanong ni Gatchalian sa compliance records ng mga kumpanya, kabilang ang pagsusumite ng General Information Sheets at audited financial statements.

Sinabi ni Del Rosario na nagpapadala ang SEC ng notice to submit sa mga kumpanyang hindi naghahain ng required reports at maaaring humantong ang patuloy na noncompliance sa revocation ng certificate of registration.

May dala rin aniya siyang monitoring sheet ng violations ng mga kumpanyang sinusuri.

Sinabi ni Del Rosario na may isang kumpanya sa listahan na na-revoke noong 2018 dahil hindi nagsusumite ng reports, habang SGT Fortune Horse Corp. at Three Kids Trucking Services Inc. ay kusang nagpaikli ng kanilang corporate terms hanggang Hulyo 29, 2017 at Hulyo 24, 2017, ayon sa pagkakasunod.

Tinanong ni Gatchalian kung ang mga natapos nang korporasyong iyon ay maaari pang maging source ng income na magpapaliwanag sa paglaki ng net worth ni Duterte.

“So obviously, hindi rin ito pwede maging source ng income sa paglaki ng net worth ni VP Sara?” tanong niya.

“Tama po,” sagot ni Del Rosario.

Ang pagtatanong ni Gatchalian ay kasunod ng prosecution theory na kailangang tukuyin kung ang lawful business income ni Duterte ay maaaring magpaliwanag sa kanyang declared wealth. Sinabi ng House prosecution na sinusuri nito ang earnings, shareholdings at dividend records kasabay ng kanyang SALNs.

Gayunman, limitado ang SEC records sa corporate information na hawak ng ahensya. Hindi nito, nang mag-isa, natutukoy ang lahat ng posibleng personal income mula sa salaries, compensation, inheritance, property transactions o iba pang sources.

Kinakatawan si Duterte ng kanyang mga abogado sa impeachment proceedings at kinokontra ng depensa ang mga alegasyon laban sa kanya. Kinuwestiyon din ng depensa ang ilang SEC summaries, sinasabing dapat ihiwalay ang corporate figures sa personal transactions o holdings na direktang maiuugnay kay Duterte.