Calendar
Patuloy na paglaki ng yaman ni VP Sara nasilip sa impeachment trial
NASILIP sa impeachment trial nitong Martes ang patuloy na paglaki ng yaman ni Vice President Sara Duterte matapos sabihin ng isang opisyal ng Securities and Exchange Commission (SEC) na karamihan sa mga kumpanyang idineklara niya sa kanyang Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth o SALN ay nalugi at walang naiulat na dibidendong ibinayad sa mga shareholder.
Sa Day 28 ng impeachment trial ni Duterte, sinabi ni SEC Company Registration and Monitoring Department Director Atty. Gerardo del Rosario na kung walang ibinayad na dibidendo ang mga kumpanyang idineklara ni Duterte, hindi maaaring sabihing kumita siya mula sa operasyon ng mga ito.
“Kung ayon po rito at wala po siyang natanggap na benepisyo, yung dibidendo, hindi ko po alam kung mayroon po siyang maideklarang kinita out of this company,” sinabi ni Del Rosario sa ilalim ng pagtatanong ni Senate President Win Gatchalian.
Dahil dito, kinuwestiyon ni Gatchalian kung saan nanggaling ang paglaki ng net worth ni Duterte.
“So, ibig sabihin […] kung babangga po namin ito sa SALN, hindi po pwedeng manggaling sa mga corporations niya yung paglaki ng kanyang net worth,” sabi ni Gatchalian.
“Tama po ba? Dahil kung by process of elimination, titignan natin yung mga corporations, pwede na natin i-rule out yung corporations,” dagdag niya.
Napansin din ni Gatchalian na halos lahat ng kumpanyang idineklara ni Duterte ay nalugi sa halip na kumita.
“Maliban sa GenCorp, Davao Emerging Taipans, SGT Fortune Horse, at Mati Ice Plant, halos lahat po ay lugi,” sabi niya.
Pero ayon kay Gatchalian, hindi naman nakatalang shareholder si Duterte sa GenCorp.
“Itong kaso lang, ito si GenCorp, hindi naman po shareholder on record si Vice President Sara,” aniya.
Batay sa mga SALN ni Duterte, tumaas ang kanyang idineklarang net worth mula sa halos P7.25 milyon noong 2007, nang una siyang maging vice mayor ng Davao City, hanggang P98.66 milyon noong 2025.
Katumbas ito ng pagtaas na humigit-kumulang P91.4 milyon o nasa 1,260 porsiyento.
Mula P34.90 milyon noong 2016, umakyat ang kanyang net worth sa P71.66 milyon noong 2022, ang taon nang maupo siya bilang Bise Presidente.
Patuloy pa itong tumaas sa P77.51 milyon noong 2023, P88.51 milyon noong 2024, at P98.66 milyon noong 2025.
Sa loob lamang ng tatlong taon mula 2022 hanggang 2025, nadagdagan ng halos P27 milyon, o halos 38 porsiyento, ang idineklarang net worth ni Duterte.
Tulfo: Sino si Jaime Tan Cruz?
Samantala, sinilip ni Senator-Judge Erwin Tulfo ang koneksiyon ng negosyanteng si Jaime Tan Cruz sa ilang kumpanyang idineklara ni Duterte.
Kabilang dito ang Metro City Chow Foods Corporation, Great Jolly Times Food Corporation, Davao New Royal Taipan Foods Corporation, Davao Emerging Taipans Corporation, at Davao Bounty Times Food Corporation.
Tinanong ni Tulfo si prosecution counsel Atty. Erwin Matib kung ang Jaime Tan Cruz na may hawak na shares sa mga kumpanyang ito ay siya ring negosyanteng naitalaga noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“Ito po bang Jaime Tan Cruz na ito is the same person na na-appoint po ng dating Pangulong Duterte as a special envoy to China for trade and investment?” tanong ni Tulfo.
“Yes, Your Honor. The same name, Your Honor,” sagot ni Matib.
Tinanong din ni Tulfo kung siya rin ang negosyanteng inalok ni dating Pangulong Duterte na maging chairman ng PhilHealth ngunit tumanggi sa puwesto.
“Same person. Is he the same person na inoferan po ng dating Pangulong Duterte na maging chairman po ng PhilHealth pero tinanggihan niya po?” tanong ni Tulfo.
“Yes, Your Honor,” sagot ni Matib.

