Gatchalian

Gatchalian: Senado pwedeng umupa ng venue para sa ’27 budget hearings

26 Views

MAAARING umupa ang Senado ng venue sa labas ng kapulungan para sa mga pagdinig sa panukalang 2027 national budget dahil puno na ang mga committee rooms, ayon kay Senate President Sherwin Gatchalian.

Sinabi ni Gatchalian na inaasahang matatanggap ng Senado ang National Expenditure Program sa kalagitnaan ng Agosto at kailangan ding magsagawa ng sunud-sunod na budget hearings habang nagpapatuloy ang trabaho ng iba pang komite.

“So with that, we will need additional funds to rent the offices.

Kung sunod-sunod na budget hearing at ini-expect namin magbigay sa amin ’yung NEP by middle of August, so kailangan talaga paspasan ang budget hearings, plus ang mga committees pa, of course,” sinabi niya.

Nakalagay sa National Expenditure Program ang panukalang paggasta ng administrasyon at nagsisilbi itong batayan ng Kongreso sa pagtalakay sa taunang pambansang badyet.

Kailangang unahin ng Senado ang budget at committee hearings dahil limitado ang pondo nito.

“But it’s a basic issue of budget. Dahil nga limitado ang budget, we have to prioritize budget hearings and committee hearings,” sabi niya.

Wala pa siyang inanunsiyong pinal na venue, iskedyul o halaga ng upa.