Tulfo

Pagsagot sa pagkain ng defense team tinutulan ng Senate majority

37 Views

TUTOL ang mayorya ng Senado na gamitin ang pondo ng kapulungan para bayaran ang pagkain, inumin at catering services ng defense team, support staff at mga testigo ni Vice President Sara Duterte sa kanyang impeachment trial, ayon kay Senador Erwin Tulfo.

Sinabi ni Tulfo na tinalakay ng majority senators sa mini-caucus noong Miyerkules ng gabi ang kahilingan ng Office of the Vice President. Kinuwestiyon nila kung saan kukunin ang pera at paano ipaliliwanag ang gastusin sa Commission on Audit.

“Ang desisyon po ng Senate President namin is: number one, paano namin sasagutin sa COA ’yun, di ba, pag natanong kami,” sinabi ni Tulfo sa isang ambush interview.

“Napag-usapan namin kagabi sa mini-caucus ng majority sa taas. Pinag-usapan ’yon, the decision of the majority was like, bakit natin sasagutin? How do we explain that? Saan natin kukunin ’yung bayad sa pagkain, tapos sila pa mamimili sa catering,” dagdag niya.

Nang tanungin kung opisyal nang tinanggihan ang kahilingan, sinabi ni Tulfo na si Senate President Sherwin Gatchalian ang dapat magkumpirma sa pinal na desisyon.

“I guess the Senate President will be the right person to ask. Pero upon the decision of the majority of those who attended the mini-caucus last night, parang sabi na hindi, because saan natin kukunin. Wala naman sa budget natin, baka ma-COA tayo,” sinabi niya.

Sinabi ni Gatchalian na hindi kayang pondohan ng Senado ang kahilingan dahil kailangan ang natitirang pondo para sa iba pang gastusin sa impeachment proceedings at sa gawaing lehislatibo ng kapulungan.

Ayon sa Senate President, kakailanganin ng Senado na umupa ng lugar sa Philippine International Convention Center para sa deliberasyon sa panukalang 2027 national budget dahil ginagamit sa paglilitis ang mga committee room nito.

“In short, wala kaming pondo para magbigay ng pagkain,” sinabi ni Gatchalian.

Sa liham kay Gatchalian na may petsang Hulyo 7, hiniling ni Duterte na sa itinalagang holding room lamang ihain ang pagkain at inumin ng kanyang defense team, support staff at mga testigo.

Hiniling din niyang manggaling lamang ang mga pagkain sa caterer na accredited ng OVP dahil sa security concerns.

Hiniling sa Senado na sagutin ang “reasonable costs” ng naturang kaayusan sa buong panahon ng paglilitis.

Ayon sa OVP, kailangan ang kaayusan para sa kaligtasan at kapakanan ng defense team, staff at mga testigo at upang hindi maantala ang kanilang paglahok sa paglilitis.

Tinutulan din ni Senador Panfilo “Ping” Lacson ang kahilingan at sinabing maaaring lumabag sa government procurement law ang ilang bahagi nito.

“I cannot support this for one simple reason: items 2 and 3 may be violative of the government procurement law,” sinabi ni Lacson.

Ayon sa senador, mayroon nang caterer ang Senado na pinili sa regular na bidding process.

“This letter not only is asking the Senate to use only the OVP caterer but also pay for their services. This is the dangerous and highly questionable part. We can’t justify the use of Senate funds to pay another agency’s caterer,” sinabi ni Lacson.

Walang nakasaad sa liham na pangalan ng caterer, inaasahang halaga o bilang ng mga pagkaing ihahain.