MRT1 Photo: Screen grab mula Ven Cuizon video

GM Capati pinagpapaliwanag kaugnay ng aberya sa MRT-3

Jun I Legaspi Jun 17, 2026
34 Views
MRT
Photo: Screen grab mula Ven Cuizon video

PINAGPAPALIWANAG ni Transportation Secretary Banoy Lopez si MRT-3 General Manager Michael Capati kaugnay ng aberya sa MRT-3 Miyerkules na nagdulot ng perwisyo sa mga pasahero.

Kasunod ito ng utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyaking hindi naaantala ang operasyon ng tren, para masiguro ang tuloy-tuloy at ligtas na biyahe ng mga komyuter.

Sa inilabas na memorandum ni Secretary Lopez, inatasan ng Kalihim si GM Capati na magbigay ng detalyadong paliwanag sa loob ng 24 oras kung bakit hindi siya dapat patawan ng administrative sanction kasunod ng naganap na aberya sa pagitan ng Buendia at Guadalupe stations ng MRT-3 bandang 5:30 ng umaga Miyerkules.

Agad namang naibalik ang normal na operasyon ng linya bandang 6:57 ng umaga, bagamat nagdulot pa rin ng abala sa mga pasahero.

Inatasan din ni Secretary Lopez si GM Capati na maglabas ng show cause order sa MRT-3 rehabilitation at maintenance service provider na Sumitomo Corporation, gayun din sa nga consultants nito para ipaliwanag ang aberya.

“Dapat maipaliwanag ng MRT-3 at ng Sumitomo kung bakit nangyari ‘yung aberya. Laking abala at perwisyo para sa mga pasaherong umaasa sa MRT-3. We have to identify the cause of the disruption. Gagawin natin ang lahat para matiyak na tuloy-tuloy at reliable ‘yung serbisyo ng tren para sa commuters,” ayon kay Secretary Lopez.

Para naman sa mga pasahero, ipinag-utos na ng Kalihim ang pagbibigay ng libreng sakay para sa mga pasahero ng MRT-3 ngayong araw, at sisingilin ito sa Sumitomo.