Coach

Football coach dinampot sa harap ng mumurahing inn dahil sa panghahalay

Edd Reyes Jun 17, 2026
24 Views

KALABOSO ang 28-anyos na football coach na may kaso umanong panghahalay matapos masukol ng pulisya sa harap ng mumurahing lodging inn Martes ng gabi sa Makati City.

Natunton ng mga miyembro ng Tracker Teams ng Makati Police Station si alyas “Chima”, residente ng Brgy. Pio Del Pilar, sa harap ng Z Hostel sa Don Pedro St. Brgy. Poblacion alas-6:20 ng gabi makaraan ang halos isang taong pagtatago.

Isinilbi sa akusado ng mga tauhan ni Makati police chief P/Col. Pedro Alagano Jr. ang warrant of arrest na inilabas noon pang Disyembre ng nagdaang taon ni Makati Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Ma. Victoria Q. Padilla, Branch 62 para sa kasong Rape by Sexual Assault na may inilaang piyansang P120,000.00 para sa pansamantalang paglaya.

Pinapurihan naman ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Glenn Oliver Cinco ang matagumpay na pagkakadakip ng Makati police sa akusado na nasa Top 4 Most Wanted Person sa lungsod.