Hot News

Hunyo 24 idineklarang non-working holiday sa Maynila ng Malacañang

Edd Reyes Jun 17, 2026
34 Views

HolidayIDINEKLARA ng Malacañang ang Hunyo 24, araw ng Miyerkules, bilang special non-working day sa Lungsod ng Maynila upang bigyang daan ang pagdiriwang ng ika-445-taong anibersaryo ng Araw ng Maynila.

Nilagdaan ni Acting Executive Secretary Ralph Recto ang naturanng proklamasyon sa pahintulot na rin ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.

Magiging bahagi ng pagdiriwang ang paglalahad ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ng kanyang State of the City Address (SOCA) sa Quirino Grandstand na magsisilbing simbolo ng unang taon ng kanyang panunungkulan sa ilalim ng programang “Bilis Kilos 2.0”.

Inaasahang dadaluhan ng ilang matataas na opisyal ng pamahalaan at iba’t-ibang pribado at pampublikong organisasyon ang makabuluhang okasyon upang saksihan ang mga napagtagumpayan ng administrasyon ng alkalde at kung ano pa ang kanyang mga susunod na plano para sa mamamayan ng Lungsod ng Maynila.

Isa rin sa magiging tampok ng mismong araw ng pagdiriwang ng Araw ng Maynila ang pagkakaloob ng Posthumous Award sa namayapang miyembro ng Manila City Hall Press Club (MCPC) at reporter ng DZRH na si Boy Gonzales.

Ipinaliwanag ng Manila Public Information Office (MPIO) na iginagawad ang prestihiyosong parngal at pagkilala sa Manileño na namayapa na subalit nag-iwan ng mahahalagang kontribusyon sa lungsod at sa bansa.