Gunman

Gunman sa pagkadedo ng dalagita, key maker arestado

Edd Reyes Jun 16, 2026
22 Views

NADAKIP na ng mga pulis ang gunman na sangkot sa pamamaril na nagresulta sa pagkasawi ng dalawa, kabilang ang 12-anyos na dalagitang estudyante, sa Malabon City.

Sa inilabas na ulat Martes ng umaga ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, naaresto sa follow-up operation ng kanyang mga tauhan ang suspek na si alyas “Totoy”, 38, residente ng Dagat-dagatan, Brgy. Longos, na itinuturong nakapatay sa 48-anyos na key maker at sa 12-anyos na dalagitang estudyante na tinamaan ng ligaw na bala.

Batay sa pahayag ng dalawang testigo, nag-aaway ang suspek at biktima dakong alas-4:20 ng hapon noong Sabado sa Blk. 17, Lot 39, Ph 2 Area 3, Brgy. Longos, hanggang makitang tumatakbong palayo ang duguang key maker na may hawak na patalim habang hinahabol ni alyas Totoy na patuloy na nagpapaputok ng baril

Dead-on-the-spot ang lalaking biktima habang idineklarang patay sa Tondo Medical Center ang dalagitang si alyas JA.

Nakatakdang isailalim sa paraffin examination ang suspek habang hinahanap ng mga pulis ang baril na ginamit ng salarin.