Myrtle

Nagnenok ng CP ni Myrtle Sarrosa na-trace sa GP, suspek gustong mangikil

Edd Reyes Jun 16, 2026
28 Views

IDINAAN sa social media ng aktres at cosplayer na si Myrtle Sarrosa ang hinagpis sa pagkawala ng kanyang cellphone nang lumahok sa pop-culture event na ToyCon sa SMX Convention Center sa Pasay City noong Linggo ng hapon.

Kaagad na nag-alok ng P30,000 ang cosplayer sa sinumang makakapagsauli ng kanyang ninakaw na cellphone ng wala ng usapan at hindi na siya magtatanong dahil marami aniyang mahalagang ala-ala, business contact, importanteng mensahe, files, cosplay, at videos para sa kanyang content na hindi na aniya niya mapapalitan.

Nilinaw din niya na wala siyang malalaswang larawan sa phone na tulad ng ilang komentong kanyang natanggap dahil hinding-hindi aniya niya ikokompromiso ang kanyang pananampalataya, wastong ugali, at prinsipyo.

Matapos aniya niyang i-report sa pulisya ang pagkawala ng kanyang cellphone, tinulungan siya ng kanyang kuya na ma-activate ang emergency lock at global positioning system (GPS) hanggang ma-track nila ang may dala nito sa Ever Gotesco sa Commonwealth Avenue sa Quezon City at nang tawagan ito pagsapit nila sa lugar, babae ang sumagot pero agad na pinatay ang phone.

Ilang minuto lang ay umalis na sa lugar ang may hawak ng phone kaya’t hinabol nila hanggang sa SM Fairview bago nagbalik sa Ever Gotesco kung saan tuluyan ng pinatay ang phone at hindi na nila ito ma-kontak.

Nang mag-reply aniya ang may hawak ng phone, napagtanto niya na layunin nito na kikilan pa siya ng mas malaking halaga, maliban sa iniaalok niyang pabuya. Sa kabila nito, umaasa pa rin aniya siya na magbabago ng isipan ang may-hawak at ibabalik sa kanya ang nawala niyang cellphone.