Calendar
Gob nakita mga crack sa Laguna U
BIGLAANG bumisita si Gobernadora Sol Aragones sa Laguna University matapos madiskubreng may mga bitak ang isa sa mga gusali nito, na naglalagay sa panganib sa kaligtasan ng 7,000 estudyante.
Sa inspeksiyon, iginiit ni Gob. Aragones na dapat managot ang kontraktor na responsable sa umano’y substandard na pagkakagawa ng gusali.
Ang gusali ay itinayo noong 2011 at naisalin sa unibersidad noong 2017. Natuklasan itong may seryosong problemang pang-istruktura. “Gusto ko ho malaman kung sino ang contractor nito?” ani Gob. Sol Aragones sa kanyang pagbisita.
“Unang-una hindi ako natutuwa dito ha kasi yung mga estudyante, delikado, buhay ito,” dagdag pa niya.
Ayon kay Provincial Administrator Jerry Pelayo, malinaw na makikita ang mga bitak at nagsi-swing ang mga building kahit walang lindol.
Simula Abril 2025 ay hindi na ginagamit ng paaralan ang gusali matapos lumabas ang mga isyu.
Mas nakababahala pa, walang maayos na rekord o papeles na magpapatunay ng legal na pagtatayo ng gusali. “Imagine worst case scenario, na baka magkaroon ng casualties.
Tanggalin at managot ang dapat managot,” ani Gob. Aragones, sabay anunsiyo na ipapa-giba ang 68 milyong pisong gusali.
Dagdag pa ng gobernadora, hindi magtatapos sa demolisyon ang usapin, pananagutin din ang mga nasa likod ng palpak na proyekto.
Nangako si Gob. Aragones na isusulong ang legal na aksyon at masusing imbestigasyon upang masiguro na ang kontraktor at sinumang opisyal na sangkot ay haharap sa pananagutan.
Lubhang naapektuhan din ang pag-aaral ng mga estudyante. “Yung kalahati nag face-to-face and then yung iba nag online, see imagine nyo yung epekto nyan?” binigyang-diin ng gobernadora.
Muling idiniretso ni Gob. Aragones ang kanyang panawagan sa kontraktor, “Sa contractor po nito gusto ko kayo makausap ha, at kailangan nyo managot ngayon dito at i-explain sa amin bakit nagkaka-ganito to.”
“Sa lahat ng nagtatago ng papel ilabas nyo na dahil hindi namin titigilan hangga’t di namin nalalaman sino may kasalanan dito,” babala pa ng gobernadora, na nagpapakita ng kanyang mahigpit na paninindigan laban sa kapabayaan.
Ang biglaang inspeksiyon ay malinaw na patunay ng pagtutok ng pamahalaang panlalawigan sa kaligtasan ng mga estudyante at pananagutan ng mga opisyal. Sa direktang aksyon at paninindigan ni Gob. Sol Aragones, tiniyak niya na walang palulusutin at lahat ng may sala ay haharap sa legal at administratibong kaparusahan.

