Recto

Gobyerno tiniyak wastong paggamit bawat piso ng taumbayan

307 Views

WASTONG paggamit sa bawat Pisong iniaambag ng taumbayan.”

Ito ang tinuran at pagtitiyak ng Kalihim ng Pananalapi na si Sec. Ralph Recto kung saan ay sinabi nito na hindi masasayang ang buwis at kontribusyon ng taumbayan, sa ilalim ng panukalang ₱37.78 bilyong badyet ng Department of Finance (DOF) para sa 2026.

Sa kanyang pagharap sa Senado, inilahad ni Recto na ang DOF ang nagsisilbing “Pambansang Fundraiser” ng bansa—ang pangunahing tagalikom ng pondo para pondohan ang mga serbisyo, proyekto, at pangangailangan ng gobyerno.

“Ang pambansang badyet ay hindi lang listahan ng gastusin. Simbolo ito ng sipag at sakripisyo ng bawat Pilipino. Kaya’t hindi natin ito dapat tingnan lamang bilang paggasta, kundi bilang responsibilidad ng pangangalap,” ani Recto.

Sa kabuuang ₱6.79 trilyong national budget sa 2026, tinukoy ni Recto na ₱4.98 trilyon lamang ang suportado ng aktwal na kita, habang ang natitirang ₱1.81 trilyon ay uutangin. “₱18.61 bilyon ang kailangang ilabas ng gobyerno araw-araw. Ngunit ₱13.65 bilyon lang ang ating kinokolekta. Ganyan kabigat ang aming hamon,” ani Recto.

Sa kabila nito, humihiling lamang ang DOF ng 0.56% ng kabuuang pambansang badyet. “Hindi kami spending agency. Kami ang nagbibigay-daan sa lahat ng paggasta,” giit niya.

Ang Bureau of Internal Revenue ay may panukalang badyet na ₱19.15 bilyon, habang ₱6.91 bilyon naman ang para sa Bureau of Customs. Inaasahan ng BIR na makakakolekta ng ₱3.58 trilyon, samantalang ₱1.01 trilyon naman ang target ng BOC. Ayon kay Recto, ang buong taong badyet ng BIR ay katumbas lamang ng dalawang araw nitong koleksyon, at ang BOC ay kayang maabot ang buong badyet sa loob ng tatlong araw.

Ang Bureau of the Treasury ay may nakalaang ₱4.7 bilyon. Ang Office of the Secretary ng DOF ay makakatanggap ng ₱1.3 bilyon para sa modernisasyon ng ICT systems. Ang Insurance Commission ay may alokasyong ₱1.2 bilyon. Para naman sa reporma sa pamahalaang lokal, may ₱996.2 milyong pondo ang Bureau of Local Government Finance. May ₱154 milyong pondo ang National Tax Research Center, habang ₱134.6 milyon ang inilaan sa Privatization and Management Office. Samantala, ang Central Board of Assessment Appeals ay may panukalang ₱18.4 milyon.

Prayoridad pa rin ng DOF ang digital transformation, na may kabuuang ₱6.9 bilyon para sa modernisasyon ng mga sistema ng buwis, datos, at procurement.

Tinalakay rin ni Recto ang isyu ng korapsyon sa flood control projects, kung saan umano mismong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nagbunyag ng iregularidad. Aniya, “The President himself is the whistleblower of this controversy. At malinaw ang kanyang mensahe: We will never turn a blind eye to corruption.”

Ipinangako niya na may pananagutan ang mga sangkot, at inaasahan na may makukulong sa mga darating na buwan. Bukod dito, bubuuin ang Independent Infrastructure Commission at isusulong ang full digital procurement para matiyak ang transparency sa pakikipag-ugnayan sa mga LGU at pribadong sektor.

Ayon kay Recto, sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr., lumago ang ekonomiya ng 5.9% sa karaniwan—isa sa pinakamataas sa rehiyon. Mahigit 50 milyong Pilipino ang may trabaho, tumatatag ang consumer spending, at bumababa ang inflation. Ngunit kinilala niya na hindi lahat ng kapital na inilaan ay nagresulta sa tunay na paglago. “Kaya’t inilipat na natin ang pondo sa mga sektor na may mataas na epekto—edukasyon, kalusugan, agrikultura, at digitalisasyon,” ani Recto.

Inaasahan ng DOF na aabot sa ₱6 trilyon ang kita ng gobyerno sa 2028, at ₱7 trilyon sa 2030. Target din na bumaba sa 4% ng GDP ang deficit pagsapit ng 2028, at 3% naman sa 2030, habang ang antas ng utang ay mapapanatili sa 58% ng GDP.

Binigyang-diin ni Recto na hindi lang koleksyon ang layunin ng DOF, kundi ang makatarungan at makabuluhang paggamit ng buwis. “We are committed to making sure that every peso is spent on the right things, at the right price, by the right agency, at the right time,” giit niya.

Sa pagtatapos, nanawagan siya ng suporta mula sa Senado: “Tumulong po kayo sa pagpapatuloy ng fiscal reform. Palakasin natin ang pagbabalik ng bawat pisong ambag ng mamamayan.”