Grupong lulan ng van arestado dahil sa mga baril

213 Views

DAHIL sa utos ni Manila Police District (MPD) Director P/BGen. Leo “Paco” Francisco na paigtingin ang criminality campaign sa area ng Manila Police District Station 1, sinita ng mga nagpapatrolyang pulis ang isang Toyota Innova van na walang plaka at nadiskubre na may mga baril sa loob ng sasakyan sa Tondo, Manila, madaling araw nitong Sabado.

Bukod sa kasong Republic Act 10591 na related sa BP 88, nahaharap sa kasong violation of Usurpation of Authority si Henry Joshua, may asawa, negosyante at residente ng Cubao, Quezon City, makaraan umanong magpakilalang tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).

Habang sina Elmer Barles, 52 at Dexter Villegas, 50, kapwa residente ng Jose Abad Santos St. sa Tondo at isang Benjamin Asuncion, 43, na residente ng Pilar St., Brgy. 199 sa Tondo ay sasampahan sa paglabag ng R.A 10591 o Illegal Possesion of Firearms and Ammunitions.

Base sa ulat ni P/Lt.Col.Cenon Vargas Jr., Commander ng MPD Raxabago Police Station 1, bandang 2:20 ng madaling araw nang masabat ang isang Toyota Innova, habang naka-escort si Asuncion na lulan ng motorsiklo sa may Urban Decca Homes sa Velasquez St. Tondo.

Sina P/Cpl. Melvin Melchor at ilan pa nitong kasamahan ng Smokey Police Community Precinct ng Station 1 ang sumita sa mga suspek, makaraan umanong humingi ng police assistance ang isang Raymond Bansei na sekyu sa lugar.

Dito na umanong nagpakilala si Joshua na isang tauhan ng CIDG subalit wala umano itong maipakitang ID ng nasabing ahensiya.

Habang kinakausap ang mga nasa loob ng sasakyan, nadiskubre ng mga operatiba ang iba’t ibang uri ng baril na kargado ng mga bala.

Gayunman, isinailalim sa interogasyon ang 4 na suspek kung ano ang mga pakay nito, kung may kaugnayan ang mga ito sa sunod-sunod na pananambang sa mga empleyado ng Bureau of Customs (BOC) sa Maynila.