Calendar
Halos 700 panukalang batas naihain sa unang araw ng 20th Congress


TINATAYANG nasa 683 panukalang batas ang inihain ng mga baguhan at datihang miyembro ng Kamara de Representantes sa unang araw ng paghahain ng mga “legislative proposals” para sa kapapasok pa lamang na 20th Congress.
Nabatid na nasa 666 panukalang batas ang naihain sa Day 1 ng 20th Congress habang 16 House Resolution naman ang isinulong ng mga Baguhan at datihan ng kongresista.
Si reelected Leyte Representative Ferdinand Martin Gomez Romualdez ang kauna-unahang mambabatas na nakapaghain ng kaniyang panukalang batas kung saan isinulong nito ang House Bill No. 1 hanggang House Bill No. 5.
Sa ilalim ng House Bill No. 1 ni Romualdez, iminumungkahi nito ang “Rice Industry and Consumer Empowerment (RICE) Act” na naglalayong maibalik sa National Food Authority (NFA) ang kapangyarihan para ma-regulate nito ang presyo ng bigas at para ma-protektahan ang mga magsasaka laban sa mga mapagsamantalang rice traders.
Ipinaliwanag ni Romualdez na ang kaniyang iminumungkahi ay bilang pagsuporta sa panawagan ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na mapababa o abot kaya ang presyo ng mga pagkain kasunod nito ang pagpapalakas sa industriya ng agrikultura.
Kabilang sa panukalang batas na inihain ni Romualdez ay ang pagkakaloob ng exemption sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa pagbabayad nila ng premium contributions sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Ipinanukala din ng Romualdez ang pagtatatag ng Philippine Centers for Disease Prevention and Control (CDC) bilang lead agency sa pagpapatupad ng disease prevention.
Bukod kay Romualdez, naghain din ng kaniyang pitong panukala ang baguhang mambabatas na si Valenzuela City Rep. Gerald Cloyd Alexis Galang kasama na dito ang House Bill No. 154 o ang panukalang Magna Carta for Senior Citizen o ang panukalang Social Pension of Senior Citizens Act” na mag-aamiyenda sa Republic Act. No. 11768.

