Aquino

Krisis sa edukasyon nais tugunan ni Sen. Aquino

UPANG tugunan ang lumalalang krisis sa edukasyon sa Pilipinas, naghain si Senador Bam Aquino ng sampung panukalang batas na layong pagbutihin ang kalidad ng edukasyon, palakasin ang kahandaan sa trabaho ng mga nagtapos, at resolbahin ang mga matagal nang suliranin sa sistema ng pagkatuto.

Pangunahing panukala ang School-to-Employment Program (STEP) Act, na naglalayong magtatag ng Job Placement Offices sa lahat ng pampublikong senior high school, pati na sa mga state at local universities and colleges. Nilalayon din nitong buuin ang isang National Industry-Academe Council, kasama ang mga lokal na sangay, upang lutasin ang job-skills mismatch at makalikha ng disenteng hanapbuhay para sa mga kabataang nagtapos.

Iminungkahi rin ni Aquino ang pag-amyenda sa Universal Access to Quality Tertiary Education Act (RA 10931) upang matiyak na ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na nakapagtapos ng Senior High School at tanggap sa mga paaralang kinikilala ng CHED ay makakatanggap ng tuluy-tuloy na ayuda sa ilalim ng Tertiary Education Subsidy (TES) hanggang sa kanilang pagtatapos. Ipapatupad ito sa pamamagitan ng sistema ng prayoridad batay sa pangangailangan.

Kasama rin sa mga inihain ang Bayanihan Work Program Act, na magbibigay ng makabuluhan at kapaki-pakinabang na trabaho para sa lahat ng handa at kayang magtrabaho. Upang tugunan ang kakulangan sa pasilidad, ipinasa rin ang Adopt-A-School Act of 2025 at ang Classroom-Building Acceleration Program (CAP) Act, na magpapalakas sa ugnayan ng pamahalaan at pribadong sektor sa pagtatayo ng mga silid-aralan—lalo’t higit sa kakulangan na tinatayang nasa 165,000 classrooms.

Samantala, para sa kapakanan ng mga guro, layunin ng Angat Sweldo Para sa Guro Act na magdagdag ng ₱10,000 buwanang sahod para sa mga pampublikong guro at non-teaching staff, na ipatutupad sa tatlong yugto sa loob ng tatlong taon. Nilalayon din ng Libreng RLE Act na alisin ang bayarin para sa Related Learning Experience (RLE) ng mga nursing student sa SUCs at LUCs, at palawakin ang TES para masaklaw ang gastusing ito sa mga akreditadong pribadong paaralan.

Upang gawing mas accessible ang mga aklat-aralin, isinusulong ng E-Textbook Para sa Lahat Act ang libreng digital na bersyon ng mga aprubadong textbook ng DepEd. Dagdag pa rito, binibigyan ng 20% diskuwento ang mga mag-aaral sa mobile load, tawag, text, at internet sa ilalim ng Student Discount Para sa Load Act.

Panghuli, isinusulong ng Private Education Voucher Expansion (PEVE) Act ang modernisasyon at pagpapalawak ng tulong ng pamahalaan sa mga pribadong paaralan sa pamamagitan ng pinalawak na voucher system at karagdagang training para sa mga guro.

Binigyang-diin ni Aquino ang kahalagahan ng mga panukalang ito sa kasalukuyang kalagayan ng edukasyon sa bansa: “We’re currently facing an education crisis that must be addressed urgently.

We hope these bills help address the situation and respond to other pressing needs of our education system, so every Filipino student can enjoy the quality education they rightfully deserve.”