Helper naipit sa tumaob na sinasakyang van, dedo

Edd Reyes Jan 15, 2026
203 Views

DEDO ang 24-anyos na helper na sakay ng isang van nang tumilapon at maipit ng tumaob na sasakyan Miyerkules ng hapon sa Carmona City, Cavite.

Hindi na umabot ng buhay sa Pagamutang Bayan ng Carmona ang biktimang si alyas “Lars” sanhi ng matinding pinsala sa ulo at katawan habang bahagya lang nasugatan ang driver na si alyas “Jim”, 33, na kaagad din nalapatan ng lunas sa naturang pagamutan.

Sa ulat ng traffic investigator ng Carmona Police, mabilis na tinatahak ng van ang kahabaan ng Governor’s Drive dakong alas-2 ng hapon nang rumampa sa bangketa ang gulong matapos mawalan ng kontrol sa manibela ang driver pagsapit sa harapan ng Andoks Carmona Warehouse sa Brgy. Mabuhay, Carmona City.

Tinangkang pihitin pabalik sa lansangan ng driver ang van subalit lumihis lang ang gulong na dahilan ng pagtalsik palabas ng van ang helper nang tumaob ang sasakyan na dahilan para siya maipit.

Inaresto naman nina P/CMS Marquinez at Pat. Antonio ng Carmona police station ang driver ng van na mahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide sa Carmona City Prosecutor’s Office.