Risa Atty. Anne Loraine Garcia-Marquez, chief of staff ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner

Hontiveros: Cale88 tumanggap ng pondo mula Ukrainian firm na ‘may complaint’

127 Views
Risa1
Senator-Judge Risa Hontiveros
Mga kuha ni JOSEPH MUEGO

NAHAHARAP sa mga reklamong kriminal ang isang kumpanya mula Ukraine na nagpadala umano ng pera sa Cale88 Foods Corp., ayon kay Senator-Judge Risa Hontiveros sa Senate impeachment court nitong Biyernes.

Ayon kay Hontiveros, tumutugma ang registration number at address sa isang kumpanyang sangkot sa criminal proceeding sa Ukraine.

Ayon sa senador, ni-review ng kanyang opisina ang mga dayuhang kumpanyang nagpadala ng pera sa Cale88, maliban sa mga nakabase sa China. Kinuha umano ng court secretariat ang mga covered at suspicious transaction report mula sa ibang bansa, alinsunod sa hiling ni Senator-Judge Juan Miguel “Migz” Zubiri.

Walang binanggit si Hontiveros na kaugnayan nina Vice President Sara Duterte at ng asawa niyang si Atty. Manases Carpio sa kaso sa Ukraine.

Tinanong ng senador si Atty. Anne Loraine Garcia-Marquez, chief of staff ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Charlito Martin Mendoza, kung dapat iniulat bilang benta ng Cale88 ang mga remittance kung lehitimong transaksyon ang mga ito.

“Kung ito po ay sales po, then it should have been reported po in the annual Income Tax Return po,” sagot ng testigo.

Sumang-ayon din siya na maaaring masilip ang mga remittance na ito sa ilalim ng Run After Tax Evaders (RATE) program ng BIR.

Batay sa rekord ng BIR, P208,493,545 ang kabuuang benta ng Cale88 mula 2021 hanggang 2025. Ayon naman kay Hontiveros, P776 milyon ang inflows sa kumpanya na may covered at suspicious transaction reports sa Anti-Money Laundering Council (AMLC).

Paliwanag ng testigo, hindi kasama ang bank records sa mga dokumentong hinihingi sa BIR audit dahil saklaw ito ng bank secrecy, maliban kung kusang isumite ng taxpayer. Sa pagkakaalam niya, may koordinasyon ang BIR at AMLC laban sa mga lumalabag na taxpayer.

Ayon sa naunang testimonya sa korte, may 47.5 porsyentong stake umano si Carpio sa Cale88 mula 2021 hanggang 2024. Ipinunto ni Hontiveros na nakalista pa rin ang Cale88 bilang business interest sa 2025 SALN ng Bise Presidente.

Iginiit ng depensa na hindi sapat na batayan ang suspicious transaction report para sabihing may ilegal na transaksyon. Sa pamamagitan ng kanyang mga abogado, itinanggi ni Duterte ang mga alegasyon.

Kinuwestyon naman ni Senator-Judge Joel Villanueva kung paano nakapagtala ng P208.49 milyong benta ang Cale88 Foods Corp. mula 2021 hanggang 2025 sa kabila ng kakaunting empleyado at mga pagkaluging iniulat ng kumpanya.

Sinuri ng Senado ang mga rekord ng Cale88, isang kumpanyang nag-e-export ng banana chips at may kaugnayan sa kanyang asawang si Atty. Manases Carpio.

Inilahad ni Garcia-Marquez ang mga rekord ng buwis na nagpapakita ng kabuuang benta ng kumpanya sa loob ng limang taon.

Tinanong ni Villanueva kung paano naipagpatuloy ng Cale88 ang operasyon sa kabila ng mga iniulat na pagkalugi at kung sino ang nagpasiyang ipagpatuloy ang negosyo.

Batay sa mga rekord na tinalakay sa pagdinig, umabot sa humigit-kumulang P150 milyon ang benta ng Cale88 noong 2024, ngunit wala itong nakalistang rank-and-file employees sa naturang taon.

Dalawang empleyado naman ang iniulat nito noong 2025.

Inusisa ni Villanueva ang bilang ng mga empleyado kaugnay ng laki ng benta at mga gastos sa operasyon ng kumpanya.

Nauna nang tumestigo si Anti-Money Laundering Council (AMLC) Executive Director Atty. Ronel Buenaventura na umabot sa P1,254,736,297.08 ang pinagsama-samang covered at suspicious transactions ng Cale88 mula 2022 hanggang 2025.

Ayon kay Buenaventura, P776.64 milyon sa kabuuang halaga ang naitalang pumasok sa kumpanya.

Ang P1.25 bilyon ay kabuuang halaga ng mga iniulat na transaksyon, hindi kita ng kumpanya o pondong napatunayang nagmula sa ilegal na gawain.

Nakatanggap din ang Cale88 ng humigit-kumulang P319.33 milyong remittances mula sa China at Hong Kong, batay sa mga rekord na tinalakay sa pagdinig.