Calendar
Hontiveros pinuna na 36 sa 82 probinsiya walang ospital na pinangangasiwaan ng DOH
TATLUMPU’T anim sa 82 probinsya ng bansa ang wala pang ospital na direktang pinangangasiwaan ng Department of Health (DOH), sinabi ni Senadora Risa Hontiveros habang sinusuri ng Senado ang mga panukalang magtatatag, magpapalawak, mag-a-upgrade at magre-renationalize ng mga panlalawigang ospital.
“Sa kasalukuyan, 36 sa 82 na probinsya ng bansa ang wala pang ospital na direktang pinangangasiwaan ng DOH,” sinabi ni Hontiveros sa pagdinig ng Senate Committee on Health and Demography.
“Malaking puwang ito sa ating public health system,” dagdag niya.
Kabilang sa mga sinusuring panukala ang pagtatatag ng mga bagong ospital, pag-upgrade o renationalization ng mga kasalukuyang provincial hospital at pagpapalawak ng mga umiiral na pasilidad ng DOH.
Sinabi ni Hontiveros na kailangang matukoy ng Kongreso kung may malinaw at napatunayang kakulangan sa serbisyong pangkalusugan na tutugunan ng bawat panukalang ospital.
Dapat aniyang isaalang-alang ang populasyong seserbisyuhan, ang burden of disease o lawak at uri ng mga sakit, at ang inaasahang paggamit sa bawat pasilidad.
Hiniling din niyang linawin ang papel ng bawat ospital sa provincial at regional referral network.
Itinaas ni Hontiveros ang posibleng pag-uulit ng mga serbisyo at kompetisyon para sa limitadong bilang ng mga health worker, lalo na sa Capiz, Zamboanga Sibugay at Bukidnon, kung saan may magkapares na panukala.
“Hindi sapat ang ospital na nasa papel lamang. Hindi sapat ang gusali kung walang doktor, nurse, pharmacist, medical technologist, at iba pang health workers,” sinabi ni Hontiveros.
“Hindi sapat ang dagdag na kama kung walang laboratoryo, operating room, gamot, oxygen, kagamitan, at referral system,” dagdag niya.
Sinabi ni Hontiveros na dapat nakabatay sa datos at maayos na pagpaplano ng DOH ang eksaktong bilang ng kama, staffing complement at service capability ng bawat pasilidad.
Hindi lamang gastos sa pagpapatayo ang dapat isaalang-alang kundi pati ang tuloy-tuloy na pondo para sa personnel services at maintenance and other operating expenses, ayon sa senadora.
Para sa mga ospital na ire-renationalize, hiniling ni Hontiveros ang malinaw na proseso sa paglilipat ng mga empleyado, mga plantilla position, ari-arian, rekord, kontrata, pondo at pananagutan nang hindi naaantala ang serbisyo.
“Ang layunin natin ay hindi paramihan ng ospital sa papel. Ang layunin natin ay mas maraming Pilipinong may malapit, mabilis, at maaasahang serbisyo ng ospital,” sinabi niya.
Ayon kay Hontiveros, dapat matiyak na talagang kailangan ang bawat panukalang ospital, may sapat na pondo at health workers, at bahagi ng maayos na referral network.

