Calendar
Speaker Dy: House of Representatives produktibo sa trabaho
TINIYAK ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang produktibong trabaho ng House of Representatives sa paggawa ng batas
Kasabay ito ng paglatag ng mga prayoridad na nakatuon sa pagpapababa ng gastusin ng mga Pilipino, pagpapabuti ng serbisyong pangkalusugan, pagpapalakas ng transparency sa pamahalaan at pagprotekta sa publiko laban sa mga banta sa digital na mundo.
“Nandito po ako sa inyong harapan hindi bilang Speaker kundi bilang mamamayang Pilipino; kasama ko ang buong Kapulungan, na sa panahon ng pagsubok, damang-dama po natin ang pinagdaraanan ng ating mga kababayan,” ani Dy.
Binigyang-diin ni Speaker Dy na kumilos ang Kamara de Representantes upang maipasa ang mga panukalang magpapagaan sa pasanin ng mga pamilyang Pilipino.
“Kaya po bago natapos ang First Regular Session, minabuti natin na ipasa sa lalong madaling panahon ang Komprehensibong Alalay sa Livelihood, Inflation, Negosyo at Goods Assistance o KALINGA Act,” sabi pa ng House Speaker.
Idinagdag pa ni Speaker Dy na sa pamamagitan ng pagtutulungan ng mga mambabatas at mga kawani ng Kamara ay nakapagpasa sila ng 163 panukalang batas kabilang ang 26 na prayoridad na panukala ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).
Kabilang sa mga naaprubahang panukala noong unang regular na sesyon ang mga repormang magpapalakas sa National Nutrition Program, mga pag-amyenda sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), mga reporma sa edukasyon kabilang ang pagpapalawak ng Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (GASTPE), mga pag-amyenda sa Universal Access to Quality Tertiary Education Act at ang Presidential Merit Scholarship Program.
Para sa Ikalawang Regular na Sesyon, bibigyang-prayoridad ng Kamara ang mga panukalang direktang makaaapekto sa pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino.
“Prayoridad nating maipasa ang Rice Industry and Consumer Empowerment Act upang mapababa ang presyo ng bigas at mapalakas ang suporta sa ating mga magsasaka; ang mga amyenda sa Universal Health Care Act upang maging dekalidad at abot-kamay ang serbisyong pangkalusugan; ang CADENA Act upang mas maging bukas at transparent ang paggamit ng pondo ng bayan; at ang Cybersecurity Act, na naglalayong protektahan ang bawat Pilipino laban sa mga banta sa digital na espasyo,” ani Dy.
Iginiit din ng House Speaker na hindi sapat ang pagpasa lamang ng mga batas kung hindi naman ito maipatutupad nang maayos.
Tiniyak ni Dy sa publiko na magpapatuloy ang Kamara sa masigasig, responsable, at masusing pagtupad sa tungkulin habang muling nagbubukas ang sesyon ng Kongreso.
“Sa pagbubukas muli ng sesyon, panghawakan po ninyo ang aming paninindigan na patuloy na kikilos nang masigasig, makikinig nang mas taimtim, at maglilingkod nang may pananagutan,” pagtatapos ni Dy.
