Calendar
House spox kumpiyansang maipapasa ng 20th Congress ang RICE Bill
KUMPIYANSA si Atty. Princess Abante, spokesperson ng Kamara, na agad na maipapasa ang panukalang RICE Act ngayong 20th Congress dahil naplantsa na ito ng 19th Congress sa ilalim ng pamumuno ni Leyte Rep. Martin Romualdez.
“Well, we are looking forward na katulad noong 19th Congress kung saan nakita natin kung gaano naging productive ang 19th Congress sa paglalabas at pagpapasa ng mga batas,” ayon kay Abante, na binanggit ang naging performance ng Kamara bilang batayan para sa mabilis na pag-aksyon sa mga panukalang batas.
“Sa patuloy na pagkakaisa ng mga miyembro nito ay makikita natin ‘yung mas mabilis na pag-usad ng galaw ng mga bills lalung-lalo na para sa mga ganitong klaseng legislations na sumasagot sa mga basic needs ng mga Pilipino,” dagdag pa ng tagapagsalita ng Kamara.
Bukod kay Romualdez, ang RICE Bill ay inakda nina Representatives Andrew Julian K. Romualdez at Jude A. Acidre ng Tingog Party-list.
Ang House Bill No. 1 o RICE Act ang unang panukalang inihain sa pagbubukas ng 20th Congress, na nagpapakita na ito ay isa sa mga pangunahing prayoridad ng lehislatura.
Layon ng panukala na isaayos at palakasin ang National Food Authority (NFA) upang mapababa ang presyo ng bigas, mapalakas ang kabuhayan ng mga Pilipinong magsasaka, at matiyak ang sapat at tuloy-tuloy na suplay ng bigas sa buong bansa.
Sa ilalim ng panukala, bibigyan ng kapangyarihan ang NFA na bumili ng palay sa presyong kapaki-pakinabang sa mga magsasaka, pamahalaan ang buffer stocks, at direktang magbenta ng murang bigas sa mga mamimili tuwing may pagtaas ng presyo.
Ang panukala ay tumutugma sa food security agenda ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at kaakibat ng iba pang mahahalagang layunin ng lehislatura tulad ng pagpapabuti ng kalusugan ng publiko, kalidad ng edukasyon, at pag-unlad ng mga rehiyon.
“Hindi ko masasabi ang timetable. Of course, magkakaroon pa lang ng organization ngayong July,” ayon kay Abante, kaugnay ng inaabangang pormal na pag-oorganisa ng 20th Congress.
“Pero alam ko na… tingin ko naman walang kokontra na magkaroon ng affordable na kanin para sa ating mamamayan,” dagdag niya.
Giit ni Abante, malawak ang suporta ng mga lider at miyembro ng Kongreso para sa mga programang naglalayong magbigay ng abot-kayang pagkain, lalo na iyong tumutulong sa kapakanan ng mga magsasaka at pangkaraniwang mamimili.
“Lalong-lalo na ito din ay pagsulong sa polisiya ng ating Pangulo, Presidente Bongbong Marcos, na magkaroon ng murang pagkain. ‘Yung food security para sa ating mamamayan,” ani Abante.
Binigyang-diin din niya na makikipag-ugnayan ang Kamara sa mga kaukulang ahensya ng pamahalaan upang higit pang mapalakas at mapahusay ang panukalang batas habang tinatalakay ito sa Kongreso.
“We are looking forward to working with the rest of the members of the House of Representatives and the 20th Congress along with agencies, appropriate agencies to discuss ano ‘yung mga kailangan pag-usapan para ma-strengthen at mapaganda pa itong bill na ito,” ayon pa sa tagapagsalita ng Kamara.
Dagdag pa ni Abante, kabilang ang RICE Bill sa mga pangunahing panukalang unang inihain ni Romualdez, na nagpapakita ng malinaw na direksyon ng mga prayoridad sa agenda ng Kamara.
“Kasama dito ‘yung Rice Act, yung Strengthening of the Universal Health Care Act, the bill for the Philippine Center for Disease Prevention and Control Act. We also have the bill for the Private Basic Education Voucher Assistance Act and the Eastern Visayas Development Act bill, among others,” paliwanag ni Abante.
“Sa RICE Bill at iba pang panukala, ang focus ay konkretong tulong sa taumbayan—mura, sapat at ligtas na pagkain, at oportunidad sa kabuhayan,” dagdag pa niya.

