Wage

Jolo Revilla tinupad ang pangako, muling inihain P200 minimum wage hike bill

394 Views

TINUPAD ni Cavite 1st District Rep. Jolo Revilla ang kanyang pangakong ipaglaban ang kapakanan ng mga manggagawang Pilipino sa pamamagitan ng muling paghahain ng kanyang panukalang batas na naglalayong magbigay ng P200 across-the-board na dagdag sa arawang sahod ng lahat ng minimum wage earners sa pribadong sektor sa buong bansa.

Sa pagbubukas ng ika-20 Kongreso, muling inihain ni Revilla ang House Bill (HB) No. 78, na kilala rin bilang Wage Hike for Minimum Wage Workers Act, upang itulak ang matagal nang inaasam na tulong pangkabuhayan para sa uring manggagawa sa gitna ng tumataas na presyo ng bilihin at hindi gumagalaw na kita.

Unang inihain ni Revilla ang panukalang ito noong ika-19 na Kongreso at isinama sa iba pang kaparehong panukala na nananawagan ng pambansang dagdag-sahod.

Inaprubahan ng Mababang Kapulungan ang consolidated bill sa ikatlo at pinal na pagbasa noong unang bahagi ng 2024 at nagtatalaga pa ng mga kinatawan sa bicameral conference committee.

Subalit nabigo ang Senado na pagbotohan ang katumbas na panukala bago ang sine die adjournment—na siyang pumigil sa tuluyang pagpasa nito bilang batas.

“Refiling this measure is a clear message that we are not giving up on the fight for wage justice. Our minimum wage earners deserve more than token increases. They deserve real support,” ani Revilla.

Iminumungkahi ng HB 78 ang pantay-pantay na P200 dagdag sa arawang minimum wage para sa lahat ng manggagawa sa pribadong sektor sa buong bansa. Ang dagdag na sahod ay bukod pa sa umiiral na wage rates na itinakda ng Regional Tripartite Wages and Productivity Boards.

Inaatasan ang Department of Labor and Employment (DOLE) na tiyakin ang epektibong pagpapatupad ng panukala, kabilang ang pagpataw ng parusa sa mga employer na hindi susunod.

Binigyang-diin ni Revilla na ang dagdag-sahod ay hindi lamang usapin ng kabuhayan kundi isang moral na pananagutan ng mga mambabatas.

“Our workers kept our economy alive during the hardest times—from the pandemic to the economic downturn. It’s time we repay their sacrifices with more than words,” aniya.

Hinimok niya ang parehong kapulungan ng Kongreso na agad na umaksyon sa panukala, at nagbabala na ang anumang pagkaantala ay magpapalalim sa hindi pagkakapantay-pantay at sasalaula sa dignidad ng paggawa.

Nagpanukala rin si Revilla na dapat ay magkaroon ng pinag-isang, konsultatibong panukala ang parehong kapulungan sa ika-20 Kongreso at bigyang-priyoridad ang maagang bicameral coordination upang maiwasan ang muling pagkabigo.

“A livable wage is not a luxury—it is the foundation of a just society,” ani Revilla.