Calendar
Huli ng LTO ngayong Hulyo: Higit 20K sasakyan na di registrado
BILANG pagtugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na tiyakin ang kaligtasan ng lahat ng gumagamit ng kalsada, mas pinaigting ng Land Transportation Office (LTO), sa pamumuno ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, ang mga operasyon laban sa mga hindi rehistradong sasakyan na umabot sa higit 20,000 ang nahuli sa buong bansa nitong Hulyo 2025.
Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, ang pagpaparehistro ng sasakyang may expired na rehistro ay hindi lamang obligasyon kundi mahalaga ring hakbang upang matiyak na roadworthy o ligtas gamitin sa kalsada ang isang sasakyan.
“Hindi lang ito usapin ng obligasyon ng pagpaparehistro, ito ay usapin din ng road worthiness dahil mahigpit ang inspeksyon ng sasakyan bago ito marehistro,” paliwanag ni Asec. Mendoza.
Batay sa datos ng LTO, kabuuang 20,089 na sasakyan ang nahuli noong nakaraang buwan. Sa bilang na ito, 12,672 ay mga motorsiklo, habang 3,712 ay tricycle.
Nahuli rin ang 1,800 van, 887 pribadong sedan, 646 truck, at 253 sports utility vehicle (SUV). Kabilang din sa mga nahuli ang ilang pampasaherong jeep at bus.
Ayon pa sa datos, karamihan sa mga nahuling sasakyan ay mula sa rehiyon ng CALABARZON, Cagayan Valley, at MIMAROPA.
Nagbabala si Asec. Mendoza na bukod sa multang kaakibat ng late registration, may karagdagang P10,000 penalty sa sinumang mahuhuling nagmamaneho ng hindi rehistradong sasakyan.
“Bukod sa penalty for late registration, magbabayad pa kayo ng P10,000 kapag kayo ay nahuli,” giit ni Asec. Mendoza.
“Kaya mas Mabuti na magparehistro na lang kayo para nmakatipid at magamit ninyo ng kampante sa kalooban ang mga sasakyan ninyo lalo na ngayon na agresibo ang atihng mga operasyon,” dagdag pa niya.
Ayon sa protocol, ang mga nahuling sasakyan ay kailangang pumasa muna sa roadworthiness inspection bago ito i-release sa kanilang may-ari.
Hinimok din ni Asec. Mendoza ang publiko na ireport sa LTO ang mga hindi rehistradong sasakyan upang mapilitang magparehistro ang mga may-ari.

