Calendar
Public interest at human rights lawyer Antonio “Audie” Bucoy
Ibang ‘Maleta Boys’ di na credible sa pag-urong ni Guteza — Bucoy
SA pagbawi ni flood control scam kickbacks delivery star witness Orly Guteza ng kanyang orihinal na testimonya, wala nang kredibilidad ang mga alegasyon ng natitirang 14 na tinaguriang Maleta Boys, ayon sa isang public interest at human rights lawyer.
Sa isang panayam sa himpilang dzMM nitong nagdaang weekend, sinabi rin ni Antonio “Audie” Bucoy na tila gumagamit ang Office of the Ombudsman ng “selective prosecution,” at hindi maipaliwanag na partikular na pinupuntirya umano si dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.
Bilang komento sa pahayag ng Ombudsman na mayroon itong 42 saksi laban kay Romualdez, sinabi ni Bucoy na ang mahalagang usapin ay hindi ang dami ng saksi kundi ang kalidad at kredibilidad ng kanilang mga testimonya.
“Hindi ho ito laban ng paramihan ng testigoy eh. Ito ho ay labanan ng kredibilidad at kalidad ng testigo. Ah, gaya ho ng 18 (Maleta Boys), apat ang tumuligsa diyan. Pero pinanindigan no’ng apat kung bakit hindi totoo ‘yung mga sinabi nila noon,” aniya.
Tinutukoy niya ang apat na Maleta Boys na binawi na ang kanilang mga orihinal na paratang laban kay Romualdez.
Ayon kay Bucoy, ang pagbawi ng apat ay umaayon sa mga pahayag ng 25 kasamahan nilang dating mga aide ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co na pinabulaanan din ang mga alegasyon ng orihinal na 18 Maleta Boys.
“Ito naman ay nagtugma doon sa 25 na nagbigay ng kanilang mga salaysay na pinabulaanan din nila ang mga sinabi nitong 18,” saad niya.
Ngunit ayon kay Bucoy, ang pinakamahalagang pagbawi sa lahat ay ang ginawa ni dating Marine Master Sergeant Orly Guteza, na dati ring aide ni Co at siyang unang nag-akusa kay Romualdez sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee.
Ipinunto niya na lumitaw ang 18 Maleta Boys matapos biglang mawala si Guteza ilang araw matapos ang kanyang testimonya sa Senado.
“Kung maalala n’yo, ang una hong lumutang diyan ay si Orly Guteza. No’ng bigla siyang naglaho ng hindi pa siya nasusuri nang mahusay, lumutang bigla ’yung 18,” ani Bucoy.
Binigyang-diin niya na magkakaugnay ang mga alegasyon ni Guteza at ng 18 Maleta Boys. Dahil binawi na ni Guteza ang kanyang salaysay at sinuportahan pa ito ng mga pahayag ng 25 dating aide ni Co, wala na umanong natitirang matibay na ebidensiya laban kay Romualdez dahil nawalan na ng kredibilidad ang mga natitirang testimonya ng Maleta Boys.
“Eh yan ho ay magkakaugnay eh. Kung pinabulaanan na ni Orly Guteza ’yung kanyang unang salaysay at sinabing ito ay pinilit lamang sa kanya at merong panunuhol na kaakibat ito, dagdag pa natin ’yung sinabi no’ng 25 na tinuligsa rin ’yung 18, ano pang kalalabasan nito? Wala hong ebidensiya. Hindi kapani-paniwala ’yung natitira,” aniya.
Sa kanyang pahayag na may nagaganap na selective prosecution kaugnay ng umano’y flood control scam, binalikan ni Bucoy ang katotohanang ang orihinal na mga alegasyon ng 18 Maleta Boys ay hindi lamang nakatuon kay Romualdez, kundi pati sa iba pang mambabatas at opisyal ng pamahalaan.
Gayunman, sinabi niya na tila pinipili umano ng Ombudsman kung aling mga ebidensiya ang gagamitin laban sa isang partikular na opisyal at alin ang hindi.
“Namimili sila kung alin ang gagamiting ebidensiya, alin ang hindi at kung ating maaalala, ’yun hong testimonya ng 18, hindi lang ho naman si dating Speaker Romualdez ang tinukoy dito eh,” aniya.
Ayon kay Bucoy, nakapagtataka na itinuturing umano ng Ombudsman na may kredibilidad ang ilang ebidensiya kapag laban kay Romualdez, ngunit tila hindi ito nagbibigay ng parehong bigat sa mga alegasyong sangkot ang iba pang opisyal na iniuugnay sa flood control scam.
“Ang pinagtataka lang ho, ang aking personal na pagtataka, dahil ito ay sinusundan ko noon pa, ay bakit pinipili ng Ombudsman kung alin ang may kredibilidad, at alin ang wala. Pag ang tinutukoy na may pananagutan ay ang dating Speaker, sinasabi niya may kredibilidad,” pahayag niya.
Iginiit ni Bucoy na partikular na pinupuntirya ng Ombudsman si Romualdez.
“Subalit, pagka ibang tao naman ang tutukuyin…eh hindi niya pinapansin. Ibinabaon ho sa limot sa mga diskurso ngayon at mga naratibo. So, nagtatangi siya. Itinuturing niya, itinatampok niya ang dating Speaker,” diin ni Bucoy.
