Calendar
Hiling ni Barbers na pahabain ang oras at dagdagan ang araw ng paglilitis sa impeachment case ni VP Sara
HINIHILING ni House prosecution team spokesperson – impeachment trial adviser at dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace S. Barbers sa Senate Impeachment Court na isaalang-alang “ang pagpapahaba ng oras ng pagdinig o pagdaragdag ng mga araw ng paglilitis” upang mapabilis ang impeachment trial ni Vice President Sara Z. Duterte.
Ipinaliwanag ni Barbers na lumalaki na ang pagkabagot at pagkainip ng publiko sa haba ng paglilitis lalo na’t nabawasan ang mga araw ng pagdinig dahil sa mga suspensiyon bunsod ng masamang panahon at sa availability ng mga testigo.
“Kami rin, naiinip na. Kung maaari nga sanang mas damihan natin iyong number of trial hours and trial days, mas maganda,” ani Barbers.
Kinilala rin ni Barbers na kailangang hatiin ng mga senator-judge ang kanilang oras sa pagitan ng impeachment trial at kanilang tungkulin bilang mga mambabatas.
Isa sa mga mungkahing maaaring isaalang-alang, aniya, ay ang pagsasagawa ng legislative work sa umaga at pagpapatuloy ng impeachment proceedings sa hapon.
“Sa umaga na lang, from 9 a.m. to 3 p.m., iyong kanilang legislative work, and then 3 p.m. to sawa,” pahayag ni Barbers.
Ayon sa dating mambabatas, nasusubok ang pasensya ng publiko dahil sa haba at teknikalidad ng mga usaping tinatalakay sa paglilitis.
“Naiinip ang taongbayan. Lalo na kapag pinag-uusapan ay technical, medyo legal o technical,” ani Barbers.
Dagdag ni Barbers, maging ang mga taong may sapat na kaalaman sa mga usaping legal ay maaaring mahirapang patuloy na subaybayan ang mahahabang pagdinig.
Sa halip na tuluyang mawalan ng interes ang publiko, hinikayat ni Barbers ang media, social media bloggers at mga spokesperson na gawing mas maikli at malinaw ang pagpapaliwanag tungkol sa mga nangyayari sa loob ng Impeachment Court.
“That is the reason why we would like to ask the media and also all the social-media bloggers, plus the spokespersons, to try their best na iksian at maging klaro ang paliwanag sa mga nangyayari sa loob,” sabi pa ng dating mambabatas.
Sinabi rin ni Barbers na sinusubukan ng prosecution panel na paikliin ang proseso sa pamamagitan ng posibilidad na hindi na ipatawag ang ilang testigo kung ang kanilang testimonya ay mauulit lamang o hindi na makapagdagdag ng bagong ebidensya sa mga nauna nang nailahad sa korte.
Ang hakbang na ito ay kasunod ng nauna nang panawagan ni Barbers na dagdagan ang mga trial period matapos maantala ang ilang pagdinig dahil sa suspensiyon bunsod ng panahon.
Sa kabila ng pagod at pagkainip sa mahabang proseso, hinikayat pa rin ni Barbers ang publiko na patuloy na subaybayan ang impeachment trial.
“Iyong aking message, sana sumubaybay. Sumubaybayan dito ang ating mga kababayan,” ani Barbers.
To God be the Glory

