Calendar
Iginagalang ni Romualdez ang pahayag ng Pangulo, handang harapin ang legal na proseso
SINABI ni Leyte Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez nitong Lunes na iginagalang niya ang pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kaugnay ng mga isyung ibinabato laban sa kanya.
Iginiit niyang hindi siya kailanman humingi ng anumang pabor o espesyal na pagtrato at handa siyang sagutin ang mga alegasyon kaugnay ng mga proyektong flood control sa pamamagitan ng tamang legal na proseso.
Sa isang pahayag, kinilala ng dating Speaker ang naging epekto ng kontrobersiya sa kanyang pamilya, ngunit sinabi niyang tinatanggap niya ang naging posisyon ng Pangulo.
“Masakit man ito sa aming pamilya, iginagalang ko ang naging pahayag ng Pangulo. Hindi ako kailanman humingi ng pabor o espesyal na pagtrato,” ani Romualdez.
Sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA), inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magsasampa ng mga kaso laban sa kanyang pinsan at iba pang mga mambabatas kaugnay ng umano’y maanomalyang mga proyektong flood control.
Ayon kay Romualdez, ang nararapat na hakbang ay hayaang umusad ang tamang proseso ng batas at ang ebidensiya ang magpatunay ng katotohanan.
“Sang-ayon ako na gawin natin ang tama. Ang tama ay ang sumunod sa proseso at hayaan ang ebidensya ang magsalita.”
Iginiit din niya na wala siyang ginawang anumang labag sa batas at handa siyang patunayan ang kanyang kawalang-sala.
“Naninindigan akong wala akong ginawang anumang labag sa batas. At handa akong patunayan ito,” ani Romualdez.
