Dy

Speaker Dy tiniyak na aaksiyunan priority measures na inilatag ni PBBM sa SONA

Mar Rodriguez Jul 28, 2026
126 Views

TINIYAK ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III na nakahanda ang Kamara de Representantes na isalin sa mga panukalang batas at kongkretong aksyon ang mga prayoridad na inilatag ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. sa kaniyang ika-limang State of the Nation Address (SONA).

Ayon kay Speaker Dy, nagsisilbing malinaw na gabay ang SONA para sa Kongreso sa pagsisimula ng pagtalakay sa mga prayoridad na panukala ng administrasyon, kabilang ang mga hakbang upang mabawasan ang buwis ng mga Pilipino at mapababa ang singil sa kuryente.

“Ang SONA ang nagtatakda ng direksyon ng administrasyon. Ang papel ng Kamara ay tiyaking mabibigyan ito ng kinakailangang suporta sa pamamagitan ng maayos, masusi, at napapanahong pagtalakay ng mga panukala,” pahayag ni Speaker Dy.

Bilang tugon sa mga panukalang lehislatibo ng Pangulo, sinabi ni Dy na nakahanda ang Kamara na bigyang-prayoridad ang mga panukalang:

– palawakin ang income tax exemption upang masaklaw ang mas maraming manggagawang kumikita ng hanggang ₱350,000 kada taon.
– bawasan ang income tax ng iba pang manggagawa;
– alisin ang minimum corporate income tax para sa maliliit na negosyo; at
– magpatupad ng tax amnesty para sa mga hindi nabayarang income tax, estate tax, donor’s tax, value-added tax (VAT), at mga kaukulang multa.

“Buong suporta ng Kamara ang panawagan ng Pangulo na magbigay ng makabuluhang tax relief sa ating mga kababayan. Masusing pag-aaralan namin ang mga panukalang ito at magsisikap na maipasa ang mga hakbang na magbibigay-daan upang mas malaking bahagi ng kinikita ng mga manggagawang Pilipino ang mapunta sa kanila, matulungan ang maliliit na negosyo na lumago, at mabigyan ng panibagong pagkakataon ang mga kwalipikadong nagbabayad ng buwis sa pamamagitan ng isang makatarungan at responsableng tax amnesty,” dagdag pa ni Speaker Dy.

Malugod ding tinanggap ng House Speaker ang panawagan ng Pangulo para sa mga repormang magpapababa sa halaga ng kuryente, kabilang ang pagpasa ng Sariling Kuryente Act, na layong gawing mas abot-kaya at mas madaling magkaroon ng rooftop solar panels at battery storage systems ang mga kabahayan.

Suportado rin ng Kamara ang mga panukalang amyenda sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) upang ipagbawal ang paniningil ng system loss charges at kaukulang VAT sa mga konsyumer.

“Malinaw ang naging pahayag ng Pangulo na ang pagpapababa ng halaga ng kuryente ay isang pambansang prayoridad, at handang gampanan ng Kamara ang bahagi nito. Bibigyan namin ng prayoridad ang panukalang Sariling Kuryente Act at ang mga amyenda sa EPIRA upang matiyak na hindi na ipapasa sa mga konsyumer ang mga singiling hindi naman nila dapat pasanin,” ani Dy.

Ayon pa sa Speaker, naaayon ang mga prayoridad na inilatag ng Pangulo sa direksyong kanyang inilahad sa pagbubukas ng **Ikalawang Regular na Sesyon ng Ika-20 Kongreso**, kung saan hinikayat niya ang mga kapwa mambabatas na unahin ang mga repormang may direktang pakinabang sa mga ordinaryong Pilipino.

“Ang hamon ngayon ay tiyaking ang bawat panukalang tatalakayin ng Kamara ay may malinaw na pakinabang sa bawat Pilipino. Iyan ang magiging sukatan ng ating trabaho,” sabi pa nito.

Binigyang-diin din ni Dy ang kahalagahan ng matibay na koordinasyon sa pagitan ng Ehekutibo at Lehislatura upang maisakatuparan ang mga prayoridad ng administrasyon.

“Ang mga ito ay mga praktikal na repormang tumutugon sa pang-araw-araw na pangangailangan ng mga pamilyang Pilipino. Nakatuon ang Kamara na makipagtulungan nang malapit sa Ehekutibo upang maisabatas ang mga prayoridad na ito at makatulong sa pagpapagaan ng gastusin, pagpapalakas ng ekonomiya, at pagpapabuti ng kalidad ng buhay ng bawat Pilipino,” sabi pa ni Speaker Dy.

Tiniyak din ng Speaker na magpapatuloy ang Kamara sa pagsusulong ng responsable at makataong paggawa ng batas.

“Sa huli, iisa lang ang layunin ng Ehekutibo at Lehislatura—ang makapaghatid ng mas maayos na serbisyo at mas magandang buhay para sa bawat Pilipino. Mas madali natin itong magagawa kung sama-sama tayong kumikilos,” ayon sa kaniya.

“Hindi lamang pagpasa ng batas ang mahalaga. Ang mas mahalaga ay ang pagtiyak na ang bawat batas ay may tunay na saysay at pakinabang sa ating mga kababayan,” pagtatapos ni Speaker Dy.