Ridon

Imbestigasyon ng InfraComm suspendido na para bigyang daan ICI probe sa flood control

Mar Rodriguez Sep 24, 2025
318 Views

INIHAYAG ngayon ng Chairman ng House Infrastructure Committee (InfraComm) na si Bicol Saro Party List Representative Terry L. Ridon na sususpindehin na ng naturang Komite ang imbestigasyon nito patungkol sa multimilyon-pisong maanomalyang flood control projects para bigyang daan ang ginagawang imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).

Sinabi din ni Ridon na napagkaisahan ng mga miyembro ng InfraComm na i-turn over sa ICI ang lahat ng transcript, mahahalagang dokumento at mga ebidensiyang nakalap ng Komite sa isinagawa nitong imbestigasyon na magsisilbing basehan ng ICI.

“Today, we are announcing the suspension of proceedings of the House Infrastructure Committee to give way to the full and impartial proceedings of the Independent Commission for Infrastructure. Within the next few days, the InfraComm will turn over all transcript documents and other pieces of information and evidence to the ICI,” wika ni Ridon.

Sabi pa ng kongresista na nakahanda rin ang InfraComm na makipagtulungan sa pagsisiyasat ng ICI bilang kanilang commitment matapos nitong ipahayag na: “It is our commitment to fully cooperate with the ICI on any and every aspect of our previous proceedings,”.

Kasabay nito, ipinahayag naman ni Caloocan City 3rd District Representative Dean Asistio na tama ang naging desisyon ng InfraComm na suspendihin na ang imbestigasyon nito dahil magiging “redundant” lamang ang naturang pagdinig gayong ganito narin ang kasalukuyang ginagawa ng ICI kung saan pareho itong nag-iimbestiga sa flood control project scam.