Bernardo Makikitang nanunumpa si dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo sa Senate Blue Ribbon Committee tungkol sa imbestigasyon sa isyu ng flood control nitong Setyembre 25, 2025. Kasama niya sa litrato sina Justice Secretary Crispin Remulla at Dismissed DPWH District Engineer Henry Alcantara. Kuha ni JOSEPH MUEGO

Ex-DPWH Usec idinawit Chiz, Nancy, Bong sa flood control issue

447 Views

PANIBAGONG BOMBA ng pagsisiwalat ang nailantad ng dating Undersecretary ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na si Roberto R. Bernardo, kung saan idinawit niya sina Senador Francis Chiz Escudero, dating Senador Nancy Binay na ngayo’y alkalde ng Makati City, dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr., at si Ako Bicol Rep. Zaldy Co mula Albay, na umano’y sangkot sa sistematikong “kickback” mula sa mga proyektong pinondohan ng pamahalaan, partikular sa mga flood control at iba pang infrastructure projects.

“I delivered 20% of approximately P800 million or about P160 million to Maynardo which was meant for Senator Chiz Escudero,” ani Bernardo.

“Humihingi po ako ng tawad sa Diyos, sa aking pamilya, sa aking mga kaibigan at sa taumbayan,” emosyonal na pahayag ni Usec Bernardo.

Sa kanyang sinumpaang salaysay na isinumite sa Senate Blue Ribbon Committee, ipinaliwanag ni Bernardo na maliban kay Escudero, sangkot din umano ang iba pang mambabatas tulad nina dating senador Binay at Revilla, gayundin ang ilang opisyal, sa pattern ng “kickback” na konektado sa mga proyektong pinondohan ng pamahalaan.

Ang 12-pahinang affidavit na isinumite ni Bernardo noong Setyembre 20, 2025, ay naglalahad ng tinatawag niyang mga “commitment shares” — bahagi ng pondo ng proyekto na umano’y ipinangakong ibibigay sa mga tagapamagitan o kinatawan ng ilang opisyal ng gobyerno. Ipinabatid ni Bernardo na siya ay humihiling na mapabilang sa Witness Protection Program dahil sa mga banta sa kanyang buhay matapos ang naturang pagbubunyag.

“I am executing this affidavit to detail what I personally witnessed and participated in,” ani Bernardo, at binigyang-diin na ang kanyang mga pahayag ay batay sa personal na kaalaman, mga dokumentong nasa kanyang pag-iingat, at opisyal na komunikasyon.

Sa kanyang salaysay, sinabi ni Bernardo na nag-abot siya ng humigit-kumulang ₱160 milyon nang cash kay G. Maynard Ngu, na kanyang tinukoy bilang diumano’y kaugnay ni Senador Francis “Chiz” Escudero. Ayon sa kanya, ang halagang ito ay kumakatawan sa 20% ng mga pondong kaugnay umano ng mga proyekto sa Valenzuela at Marinduque.

“Ngo informed me that Senator Escudero wanted a commitment of 20%,” isinulat ni Bernardo. “He told me, ‘Bahala ka na, ok na yan.’”

Samantala, inilahad din ni Bernardo na si Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. ay umano’y tumanggap ng ₱125 milyong bahagi mula sa isang ₱500 milyong listahan ng proyekto. Ayon sa kanya, ipinadaan ang halaga kay Engineer Henry Alcantara at ito ay dinala sa tirahan ni Revilla sa Cavite. Idinetalye ni Bernardo na ito raw ay sinabing suporta para sa kandidatura ni Revilla sa 2025 re-election campaign.

“I turned over the amount to Engr. Alcantara for delivery,” saad niya.

Sa isa pang insidente, sinabi ni Bernardo na isang staff ni dating Senador Nancy Binay, na kinilala bilang si Carleen Villa, ang nakipag-ugnayan ukol sa 15% bahagi mula sa ₱2.85 bilyong halaga ng mga proyekto. Isinaad niya na isang ₱37 milyong cash delivery ang isinagawa sa isang tirahan sa Quezon City.

“Engr. Alcantara confirmed that he delivered the money to a residence associated with Senator Nancy Binay,” dagdag pa ni Bernardo.

Bukod pa rito, inilahad din ni Bernardo na si Undersecretary Trygve Olaivar ng Department of Education ang tumulong sa paghahanda ng isang ₱2.85 bilyong listahan ng proyekto na maaaring pondohan mula sa unprogrammed appropriations ng Office of the Executive Secretary. Ayon sa kanya, sinabi umano ni Olaivar:

“Boss, kinse yan,” na tumutukoy sa 15% bahagi ng pondo.

Sa kabilang banda, isinalarawan pa sa affidavit ang umano’y isang modus operandi sa loob ng DPWH, lalo na sa Bulacan First District Engineering Office, kung saan ilang inhinyero at kontratista ang sangkot sa paggamit ng mga hiram na lisensiya upang maproseso ang bayarin para sa mga proyektong “pre-arranged” o kaya’y hindi naman aktwal na umiiral. Kabilang sa mga pinangalanan sa bahaging ito ng salaysay ay sina Engrs. Henry Alcantara, Brice Hernandez, Jaypee Mendoza, at Arjay Domasig.

“These incidents, if left unchecked, pose a threat to our democratic institutions,” ani Bernardo. Ipinabatid pa niya na ang nasabing sistema, batay sa kanyang testimonya, ay kinasasangkutan ng mga indibidwal mula sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan.

Sa isinagawang pagdinig ng Senado, pormal na hiniling ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na ipasa si Bernardo sa Department of Justice (DOJ) para sa paunang imbestigasyon.

“I would like to request the Committee that Mr. Bernardo be turned over to the Department of Justice for preliminary investigation, and if warranted, for filing of appropriate charges,” pahayag ni Remulla.

Ipinabatid naman ni Bernardo ang kanyang kahandaang makipagtulungan sa DOJ at magsumite pa ng karagdagang dokumento upang makatulong sa imbestigasyon.

“I respectfully submit myself to investigation by the Department of Justice, and I request endorsement for protection as a whistleblower under the Witness Protection Program,” aniya bilang pagtatapos.