Dy

Impeachment complaint vs PBBM butata sa Kamara

Mar Rodriguez Oct 11, 2025
303 Views

BINIGYANG DIIN ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III na hindi prioridad ngayon ng Kamara de Representantes ang di-umano’y isinisulong na impeachment complaint ni Cavite 4th District Representative Francisco “Kiko” Barzaga laban kay President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr.

Dahil dito, hindi pa man umaarangkada ang naturang reklamo. Agad na itong binutata ni Speaker Dy matapos nitong ipahayag na maraming problema ang ating bansa na higit na dapat tutukan kabilang na dito ang mainit na usapin sa katiwalian at walang humpay na bangayan sa politika.

Sinabi ng House Speaker na sa kasalukuyan ay wala pa naman itong natatanggap na impeachment complaint mula kay Barzaga. Subalit pagbibigay diin nito na napakaraming problema ang kinakailangang tutukan at unahin kaysa sa mga walang katuturang bagay gaya ng isinulong na impeachment complaint.

“Wala pa naman akong natatanggap. Pero maraming bagay ang kailangan natin unahin at tutukan. Marami tayong dapat asikasuhin, iyang impeachment na iyan eh’ hindi naman importante saka hindi iyan makakatulong sa mga problema ng ating bansa,” pahayag ni Speaker Dy.

Ipinaliwanag pa ni Dy na kabilang sa mga problemang kinakaharap ng ating bansa ay ang pagbagsak ng presyo ng palay na umabot sa P8.00 kada kilo at iba pang mabibigat na suliranin.

Muling iginiit ni Speaker Dy na hindi uusad sa Kamara de Representantes ang impeachment laban kay President Bongbong Marcos, Jr. Kung saan sinabi nito na: “Yes, tama po. Hindi po iyan uusad sa Kongreso”.

“Hindi ko po nabalitaan na mayroon pala siyang planong mag-file ng impeachment laban sa Pangulo. Hindi priority ngayon ng Kamara ang impeachment dahil marami tayong hinaharap na problema,” dagdag pa ng House Speaker.