Rep. Renee Co

Impeachment trial ni VP Sara dapat tutukan ng kabataan–Rep. Co

Mar Rodriguez Jun 14, 2026
40 Views

MAS makabubuting ang napipintong impeachment trial ni Vice President Sara Z. Duterte sa Senado ang dapat tutukan ng mga kabataan.

Ito ang ipinahayag ni House prosecution team spokesperson at Kabataan Partylist Rep. Renee Co.

Nananawagan ang lady solon sa kabataan at sa publiko na subaybayan, talakayin at suriin ang gaganaping impeachment trial at hindi dapat ubusin ang oras nila sa panonood sa mga telenovela.

Ang panawagan ni Co ay kasabay ng paglulunsad ng Bantay Impeachment: A Citizen Watch Campaign for Accountability, Justice, and Truth sa Claret School sa UP Village, Quezon City.

Nagtipon-tipon dito ang mga organisasyon ng civil society, mga grupo ng kabataan, mga samahang nakabatay sa pananampalataya, mga akademiko, lawyers at mga tagapangasiwa ng demokrasya.

“Puwedeng magkaroon ng watch parties. I’m sure baka may nakaplano na kayo ng ganyan sa July 6, nakatutok tayo doon,” sabi ni Co.

Binigyang-diin ni Co na dapat itanong ng mga mamamayan kung paano nauugnay ang paglilitis hindi lamang sa pambansang badyet kundi pati na rin sa mga serbisyong dapat matanggap ng mga karaniwang Pilipino.

May kakayahan ang publiko, paliwanag pa ng kongresista, na makilahok sa politika at hindi sila dapat ituring na mga miron o tagamasid lamang sa prosesong nakasaad sa Konstitusyon.